PBBM may mga ikinukunsidera nang DA chief – Bersamin

PBBM may mga ikinukunsidera nang DA chief – Bersamin

November 23, 2022 @ 2:35 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ibinahagi ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Miyerkules, Nobyembre 23 na mayroon nang mga ikinukunsidera si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang maging Kalihim ng Department of Agriculture.

Sa kasalukuyan ay si Marcos din kasi ang tumatayo bilang DA chief.

Kasabay ng deliberasyon ng Commission on Appointments panel, tinanong si Bersamin kung suportado ba niya ang panwagan para sa Pangulo na magtalaga na ng permanenteng pinuno sa DA lalo na sa panahon na mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Actually, the President is seriously considering several people to appoint on a permanent basis or regular basis to represent or minister the DA portfolio. But, he has not yet signified to us that he is ready to announce his decision,” tugon ni Executive Secretary sa mga mambabatas.

Ani Bersamin, ang DA ay pinamamahalaan ni Marcos at ng isang bihasang Undersecretary sa pang-araw araw na tungkulin nito.

Nitong Oktubre, bumilis pa ang inflation sa 7.7% na pinakamabilis mula pa noong Disyembre 2008 at dahil dito ay muling nabuhay ang panawagan ng karamihan na maglagay na si Marcos ng full-time DA chief. RNT/JGC