PBBM, may napipisil nang mamuno sa PLLO

PBBM, may napipisil nang mamuno sa PLLO

August 2, 2022 @ 5:44 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – May napipisil na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.na mamumuno sa Presidential Legislative Liaison Office (PLLO).

Ito’y matapos na manawagan si Senador Chiz Escudero kay Pangulong Marcos na magtalaga ng “high caliber Cabinet member” bilang pinuno ng (PLLO na magsisilbing epektibong “point person” sa pagitan ng Malacañang at Kongreso para sa pagsulong ng legislative agenda ng chief executive.

Ginawa ng senador ang pahayag para maiwasan ang insidente na tinawag niyang “bill vetoing-spree” ng Malacañang kung saan vineto ng Pangulo ang limang panukala na inaprubahan ng Kongreso kabilang ang tax exemption sa honoraria ng mga guro na nakatalaga sa eleksiyon.

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na naghihintay lamang ng tamang panahon si Pangulong Marcos para pangalanan ang bagong PLLO head.

“Mayroon naman pong kinukonsidera para dun. Hindi lang po natin nailalabas pa. So hintayin po natin. Hindi naman po napagkakaila ‘yun,” ayon kay Cruz-Angeles.

Sa ulat, sinabi ni Escudero, ang pagtalaga ng pinuno ng PLLO, ang papel ay napakahalaga sa pananatili ng maayos na relasyon sa pagitan ng ehekutibo at legislature, at magbibigay daan sa pagtitipon Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), isang body na nabuo sa ilalim ng Republic Act 7640 sa ilalim ng Ramos administration.

Dagdag pa niya, ang pagtalaga ng mahusay ng PLLO chief ay makatitiyak na hindi masasayang ang mga panukala naaprubahan ng Kongreso na nabe-veto lang dahil sa pinagtatalunang mga probisyon na hindi naayos dahil sa hindi epektibong PLLO.

Sabi ni Escudero, ang future PLLO chief, na dapat may ranggong secretary at magiging bahagi ng gabinete, ay dapat marunong trumabaho sa Kongreso para matiyak na ang mga panukalang batas na magiging “veto-proof”.

“He or she must have the policy grasp and the political gravitas in helping craft laws that fuse the best ideas from the legislative and executive branches. The presidential point person in Congress must wade into policy work and must know what provisions in a bill being discussed might run into opposition later in the executive circles,” ani Escudero.

“If the PLLO will merely report the ongoings in both chambers of Congress, then that person is no better than a CCTV. Kung Marites lang siya, manood na lang siya ng YouTube because plenary and committee hearings are livestreamed there,” saad pa niya. Kris Jose