PBBM: Mga lalawigan na may ‘high tourism potential’ paghuhusayin

PBBM: Mga lalawigan na may ‘high tourism potential’ paghuhusayin

October 23, 2022 @ 10:15 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nangako si Pangulong  Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na paghuhusayin pa  ang  access sa mga lalawigan na mayroong ‘high tourism potential.’

“Isa sa importanteng gagampanan ng pamahalaan ay ang gawing mas accessible ang mga probinsyang maganda ang potential para sa turismo,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang  vlog, araw ng Sabado.

Wika ng Pangulo, nagawa na ito sa Ormoc City sa pamamagitan ng ekspansyon o pagpapalawak sa  airport runway.

Aniya, maaaring i-accommodate  ng Ormoc ang mas maraming commercial at international flights sa oras na makompleto na ang pagpapalawak sa paliparan.

“Kaya pag mas madaling puntahan, mas marami ang maengganyo na duma?aw. Mas marami rin ang papasok na pera sa probinsya,” ayon kay Pangulo.

Aniya, ang malaking bahagi ng kinikita ng industriya ng turismo ay mula sa  domestic tourism.

Kaya nga, hinikayat nito ang mga Filipino na bisitahin ang tourist destinations ng bansa upang makalikha ng mas maraming trabaho.

“Ang turismo ay isa sa mga kasagutan natin para mapadami ang trabaho at mapalawak ang pag-aasenso sa iba’t ibang lugar,” ayon sa Punong Ehekutibo.

“Sa iba sa atin na medyo mas nakakaluwag, malaking contribution po ang inyong pagbibiyahe at pamamasyal dahil sa inyong nilalabas ay siya namang pumapasok at umiikot sa ating local economies na tinatawag, yan ang bayanihan sa turismo,” dagdag na wika nito.

Sinabi pa ng Pangulo na nais niyang i- promote  ang “tourist destinations, culture, at people to foreigners” ng bansa.

“Ang maipakita sa ibang bansa kung gaano kaganda ang Pilipinas, gaano kasarap ang ating mga pagkain, gaano kabait, kahusay, at world-class ang mga Pilipino. Iyan ang Pilipinas na kilala ko at ipapakilala ko sa buong mundo,” aniya pa rin. Kris Jose