PBBM: Mga residenteng apektado ng lindol ‘di agad pauuwiin sa kanilang tahanan

PBBM: Mga residenteng apektado ng lindol ‘di agad pauuwiin sa kanilang tahanan

July 28, 2022 @ 7:39 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi papayagan ng pamahalaan na kaagad na bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente  na apektado ng malakas na lindol lalo na sa lalawigan ng Abra.

Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kailangan munang makumpuni ang mga nawasak na bahay matapos hagupitin ng magnitude 7.0 na lindol, kahapon ng umaga, Hulyo 27.

Hindi aniya ligtas at nananatiling mapanganib na agad na pabalikin ang mga residente habang nakabinbin ang pag-inspeksyon at inaasahang aftershocks.

“Pero siguro hindi pa ngayon dahil even if they are structurally safe to return magkakaroon pa tayo ng aftershock baka dun naman magkaproblema. If you remember a while back during the earthquake in baguio maraming namatay kasi akala nila tapos na bumalik, pumasok sila, inabutan sila ng aftershock. so that’s what we are watchign out for both in the structures and watching the dangers of landslide,” aniya pa rin.

At sa tanong naman kung tutulong ang gobyerno na maitayo ang mga nasirang bahay ay sinabi ni Pangulong Marcos na, “Tutulong kami, siyempre.”

“Lalo na sa lindol, ang immediate concern is shelter. Kasi nga kahit na titingnan mo ‘yung bahay mukhang matibay, hindi mo malalaman hanggang nainspeksyon nang mabuti ‘yun,” anito.

“So we cannot allow people to return to their homes yet because it’s dangerous. That is one of the problems,” dagdag na pahayag ng Punong Ehekutibo.

Tinukoy ni Pangulong Marcos ang kaugalian ng ilang Pilipino na agad na bumabalik sa kanilang bahay para protektahan ang kanilang mga gamit at ari-arian.

Sa ngayon, magbibigay ang pamahalaan ng pansamantalang silungan at pagkain sa mga residenteng napilitang lisanin ang kanilang mga bahay bunsod ng malakas na lindol.

“In the meantime, it is up to us, the government, to provide shelter for them to be able to feed them while they are in the shelters, and to inspect their residences, their places of business,” ani Pangulong Marcos.

Samantala, sa tanong naman kung may cash allowances para sa mga nasirang bahay, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi pa gumagawa ng kalkulasyon ang gobyerno para rito.

“But siyempre, we have all of the mechanisms that have been put in place for the pandemic. So they are also in place,” aniya pa rin. Kris Jose