PBBM nagtalaga ng 3 bagong associate justice

PBBM nagtalaga ng 3 bagong associate justice

October 20, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinangalanan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang bagong associate justices ng Court of Appeals (CA) at isa para sa Court of Tax Appeals (CTA).

Nito lamang Oktubre 11 ay itinalaga ni Pangulong Marcos sina Selma Alaras at Wilhelmina Jorge-Wagan bilang associate justices ng CA at Corazon Ferrer-Flores bilang associate justice ng CTA.

Ang kopya ng appointment papers ng bagong tatlong associate justices ay isinapubliko, Miyerkules ng gabi.

Pinalitan nina Alaras at Jorge-Wagan sina dating CA associate justices Gabriel Ingles at Edgardo Camello na compulsorily retired noong Pebrero 27 (Ingles) at Mayo 19 Camello).

Bago mapasama sa CA, si Alaras ay presiding judge sa Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 62, habang si Jorge-Wagan naman ay presiding judge ng Pasig City RTC Branch 111.

Samantala, pinalitan naman ni Ferrer-Flores si dating CTA associate justice Juanito Castañeda na umabot na sa kanilang mandatory retirement age noong Hunyo 24.

Bago pa ang kanyang posisyon, nagsilbi muna si Ferrer-Flores bilang Supreme Court’s Deputy Clerk of Court at hepe ng Fiscal Management and Budget Office. Kris Jose