PBBM nakiisa sa MassKara Festival

PBBM nakiisa sa MassKara Festival

October 24, 2022 @ 7:28 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang  Bacolod City  dahil sa matagumpay na pagdaraos ng 43rd MassKara Festival.

Labis namang ikinalugod ng Pangulo ang naging pagsisikap ng lokal na pamahalaan na paghusayin pa ang buhay ng kanilang mga nasasakupan.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa pagtatapos ng festival sa Paglaum Sports Complex, sinabi nito na ito na ang tamang panahon para muling i-welcome ng lungsod ang  local at foreign tourists para tulungan na buhayin ang ekonomiya.

“Pagkatapos ng dalawang taon, may pagkakataon uli tayo na buksan ang ating mga pintuan sa lahat ng mga bisita na nanggaling kung saan-saan, hindi lamang sa Pilipinas kung hindi sa iba’t-ibang bansa para sila naman ay makita nila at mapamahal na rin sila sa Bacolod City at saka lahat ng taga-Bacolod,”  ayon kay Pangulong Marcos.

“Ang pagbabalik ng MassKara Festival ngayon ay nanggaling sa kahirapan at kalungkutan ngunit makikita na natin na iniwan na natin ang kahirapan at kalungkutan at pinakita na ng taga-Bacolod na tayo ay bumalik na at masaya na naman ulit at bumalik sa ating mga labi ang ating mga ngiti ,” wika pa nito.

Inilarawan ng Pangulo ang Bacolod City bilang “blueprint” para sa  post-pandemic recovery para sa buong bansa.

“Ang mga taga-Bacolod ay magiging halimbawa para sa buong Pilipinas. Pag alis ko dito sasabihin ko sa lahat kung kaya nilang gawin ang MassKara Festival sa Bacolod, dapat tayong lahat din ay ganyan din na bumangon na tayo dahil ang aking pangako sa inyo ay tuloy-tuloy ang ating pagbangon,” aniya pa rin.

Umaasa naman ang Chief Executive na ipagpapatuloy ng Bacolod City  ang mga programa at proyekto nito na mauuwi sa mas mapapaganda pang bansa at mga mamamayan.

“Inaasahan natin na ang city government ay itutuloy ang kanilang mga programa at proyekto para mapaganda ang patakbo ng ating kabuhayan hindi lamang sa Bacolod kung hindi sa buong Pilipinas ,” aniya pa rin.

Samantala, pinuri naman ni Pangulong Marcos  ang  Bacolod Comprehensive Health Program,  sa pagbibigay ng  “easy access” sa hospitalization services at free annual consultations na may  complementary medicines.

Pinuri rin ng Punong Ehekutibo ang Social Pension Fund para sa mga  Senior Citizens ng nasabing lungsod.

“Itong mga ganitong klaseng initiative na inuuna ang kabuhayan ng ating mga mamamayan ay nakakatiyak tayo na ang ating lipunan kung gagawin lang natin nito, ang ating lipunan ay magiging napakaganda,” aniya pa rin. Kris Jose