PBBM nakipagkita sa energy officials

PBBM nakipagkita sa energy officials

July 7, 2022 @ 4:48 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakipagkita at nagdaos ng pagpupulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga energy officials sa gitna ng sumisirit na presyo ng langis dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ito rin ang dahilan kung bakit tumaas ang inflation sa bansa.

“Sa pandaigdigang krisis ng pagtaas ng presyo ng langis, isa sa magiging mahalagang kasama natin sa pagtugon ay ang Kagawaran ng Enerhiya,” ayon kay Pangulong Marcos, hanggang sa ngayon ay wala pa ring napipisil na Kalihim ng Department of Energy (DoE).

“Masusing tinalakay ang ating mga susunod na hakbang at ang magiging direksyon ng departamento,” dagdag na pahayag nito.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nagbibigay ng iba pang detalye ang Malakanyang ukol sa nangyaring miting.

Samantala, bagama’t hindi pa nagbibigay ng pangalan si Pangulong Marcos ukol sa magiging Kalihim ng DoE ay sinabi naman ni Press Secretary Atty. Trixie Cruz-Angeles na nasa  “final evaluation stage” na ang Pangulo sa pagkompleto ng kanyang gabinete.

Maliban sa DoE ang iba pang bakanteng Cabinet posts ay Department of Health,  Department of Science and Technology, Department of Environment and Natural Resources, at Department of Human Settlements and Urban Development. Kris Jose