PBBM, nakipagpulong kina WHO chief Tedros, Tony Blair

PBBM, nakipagpulong kina WHO chief Tedros, Tony Blair

October 26, 2022 @ 8:44 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kina World Health Organization (WHO) Director General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus at dating United Kingdom Prime Minister Tony Blair sa magkahiwalay na courtesy calls sa Malakanyang, araw ng Martes, Oktubre 25.

Ayon sa Malakanyang, pinag-usapan nina Marcos at Blair ang napakalawak na paksa ukol sa bureaucracy at governance base sa best practices sa mga developed countries.

Dumalo naman sa nasabing pulong sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo, at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos.

Matatandaang una nang nagpulong sina Pangulong Marcos at Blair sa Estados Unidos nang magkaroon ng working visit ang una sa New York.

Tinalakay ng mga ito ang peace process sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at iba pang usapin gaya ng food security, climate action, at kalakalan.

Si Blair ay executive chairman ng Tony Blair Institute for Global Change.

Samantala, sa naging pulong ni Marcos kay Tedros, binigyang diin nito ang pangangailangan na makahanap ng pang-balanse sa pagitan ng ekonomiya at kaligtasan ng mga mamamayan.

Idagdag pa ang pagiging epektibo ng COVID-19 vaccine campaign sa bansa.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ititigil na ng Pilipinas na itrato at ituring ang COVID-19 pandemic bilang emergency subalit mananatili naman ang idineklarang state of calamity. Kris Jose