PBBM nakipagpulong sa Spain, Germany, Morocco envoys

PBBM nakipagpulong sa Spain, Germany, Morocco envoys

June 7, 2022 @ 2:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Tatlo pang diplomats ang nag-courtesy call, araw ng Martes kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang talakayin ang mga usapin na may kinalaman sa ekonomiya, national security, karapatang-pantao at iba pa.

Nakipagkita sina Spain Ambassador to the Philippines Jorge Moragas, Germany Ambassador Anke Reiffenstuel, at Morocco Ambassador Mohammed Ride El Fassi kay Marcos Jr. sa headquarters ng huli sa Mandaluyong City.

Sa naging pagbisita, binigyang-diin ni Reiffenstuel ang nagpapatuloy na bilateral cooperation sa pagitan ng Germany at Pilipinas.

Tinukoy din nito ang potensiyal na mas pinaigting na kooperasyon o pagtutulungan ng dalawang bansa na tugunan ang global challenges gaya ng climate change.

“I informed President-elect Marcos about the ongoing programs Germany is currently conducting in the Philippines in the framework of Germany’s international climate initiatives to address the impact of climate change here in the Philippines,” ayon kay Reiffenstuel sa isang press briefing.

“I informed him that so far, Germany has provided 25 million euros for climate change-related bilateral projects… We are currently working on another program also in the context of climate change,” dagdag na pahayag nito.

Napag-usapan din ang epekto ng Russia-Ukraine conflict sa food security, at maging ang mga paksa na may kinalaman sa trade relations, renewable energy, human rights, at maritime security.

Samantala, may ilang ambassadors naman na ang nag-courtesy call kay Marcos Jr. sa nakalipas na ilang linggo matapos na iproklamang nanalo ito (Marcos Jr.) sa katatapos lamang na 2022 national elections.

Araw ng Lunes, winelcome at tinanggap ni Marcos Jr. ang mga ambassadors mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kabilang na sina Brunei Darussalam Ambassador to the Philippines Johariah Wahab, Cambodia Ambassador Phan Peuv, Indonesia Ambassador Agus Widjojo, at Lao People’s Democratic Republic Ambassador Songkane Luangmuninthone.

Dumalo rin sina Singapore Ambassador Gerard Ho, Thailand Chargé d’affaires Thawat Sumitmor, at Vietnam Ambassador Hoang Huy Chung. Kris Jose