PBBM: Nakumpiskang puslit na sibuyas, suriin bago ilabas

PBBM: Nakumpiskang puslit na sibuyas, suriin bago ilabas

January 10, 2023 @ 6:10 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang phytosanitary inspection ng puslit na sibuyas upang tiyakin na ligtas kainin ang mga ito bago ilabas sa merkado.

Ipinag-utos niya ito sa Cabinet meeting sa Malacañang nitong Martes ng umaga, ayon sa Presidential Communications Office (PCO).

“The problem with the onions, kasi ang dami nating nahahanap na smuggled onions, pinipilit kong ilabas diyan sa market [and] unfortunately, we do not know the source of these onions. So they all have to be inspected,” ani Marcos.

“Hindi puwedeng random,” dagdag niya.

Sa pulong, sinabi ng PCO na inihayag ng Pangulo na kailangang makipagtulungan sa third-party inspectors sa pagsasagawa ng phytosanitary inspections upang suriin ang transboundary diseases.

Sinabi rin ni Marcos na hindi pwedeng kainin ang ilang puslit na sibuyas batay sa naunang inspeksyon, at sinabing ang halaga ng inspeksyon ay P5,000 kada kilo.

“So ‘yun lang ang quandary natin. We are trying to negotiate with third parties to do the inspection. But right now we are still reviewing all of that,” ani Marcos.

“They really have to be very safe kasi just one batch na makalusot, maraming magkakasakit talaga. So that’s the situation there,” patuloy niya.

Umabot sa P700 kada kilo ang presyo ng sibuyas, dahil umano sa traders at hoarders.

Nauna nang inihayag ng Bureau of Customs (BOC) na target nitong i-donate ang natitirang shipments ng nasabat na agricultural products, kabilang ang sibuyas, sa Kadiwa stores. RNT/SA