PBBM namigay ng livelihood aid sa mga mangingisda sa Misamis

PBBM namigay ng livelihood aid sa mga mangingisda sa Misamis

January 11, 2023 @ 5:05 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pamamahagi ng cash assistance sa mga mangingisda na tinamaan ng flash floods at malakas na pag-ulan sa lalawigan ng Misamis Oriental.

Namahagi ang Pangulo ng envelope na naglalaman ng P5,000 kada isa sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program sa Gingoog City Hall sa Gingoog, Misamis Oriental.

“Ako ay nandito upang tingnan kung ano ba talaga ang nangyari at kung ano ‘yung mga kailangang gawin. At tiyakin na ‘yung mga nawala sa tahanan, mga evacuees ay nasa inyo lahat ng inyong pangangailangan,” ang talumpati ng Pangulo.

“Kaya’t tinitiyak namin na lahat kayo na hindi pa makauwi sa inyong mga tahanan at nandito pa sa mga evacuation center ay nasusuportahan, naaalagaan, mayroon kayong kinakain, mayroon kayong tinutulugan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Siniguro naman ng Punong Ehekutibo sa mga ito na tutulong ang gobyerno na muling itayo ang kanilang mga bahay matapos ang malawak na pinsala sa bahay at imprastraktura na iniulat ng lalawigan.

“Sa lalong madaling panahon gagawin namin ‘yung mga partially damaged. Kasi ‘pag tinitingnan namin ‘yung mga report, mayroon ‘yan how many households, ilang household ang sira. Mayroon ‘yung completely damaged, mayroon naman ‘yung partially damaged. Iyong mga partially damaged ‘pag puwede nang balikan eh magdadala rin kami ng rebuilding material para naman maayos ninyo ‘yung mga bahay,” ang sinabi ng Pangulo sa mga residente.

Ang mga magsasaka at mangingisda na matinding naapektuhan ng krisis ay maaari ng mag-avail ng “wide range of assistance” ng gobyerno kabilang na ang Sure Aide Program at Rice Farmer Financial Assistance (RAFA), kapuwa sa ilalim ng DA, kung saan pinamununuan ni Pangulong Marcos.

Ang iba pang tulong na available ay ang Emergency Shelter Assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang ‘Bangka Ko, Gawa Ko’ Program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa nasabing briefing, Iniulat ng lokal na pamahalaan ng Gingoog na ang bilang ng pamilya ay tumaas sa 18,452.

Tinatayang 45 mula sa bilang na 59 barangay ang Iniulat na apektado, ang mga taga-nayon na nakatira sa coastal areas ang itinuturing na pinaka-naapektuhan. Kris Jose