PBBM nangako ng hustisya sa napatay na AdU student

PBBM nangako ng hustisya sa napatay na AdU student

March 2, 2023 @ 7:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nangako ng hustisya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Miyerkules, Marso 1 para sa napatay na chemical engineering student na si Matthew Salilig na pinaniniwalaang biktima ng hazing.

Kasabay nito ay ang kanyang pakikidalamhati sa naiwang pamilya at mga kaibigan ng biktima.

“I extend my sympathies to John Matthew Salilig’s family during this extremely difficult time and assure them that justice will be served,” ani Marcos sa isang press statement.

Matatandaan na natagpuan ang katawan ni Salilig na nakalibing sa isang lote sa Imus, Cavite isang linggo matapos itong mapaulat na nawawala.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakakitaan ito ng senyales ng hazing bagama’t hinihintay pa ang opisyal na resulta ng autopsy.

Dagdag pa, pumunta umano ang biktima sa welcoming rites ng sinalihang Tau Gamma Phi chapter ng unibersidad hapon ng Pebrero 19.

Sa kalagitnaan ng hazing ay wala na sa maayos na kondisyon si Salilig at nang pabalik na ng Manila ay namatay ang biktima.

Imbes na dalhin ito sa ospital ay naisipan na lamang umano ng mga suspek na ilibing si Salilig sa Cavite.

Pinuna naman ni Marcos ang mga hazing activities sa mga fraternity at ibang grupo, sabay sabing “it is not through violence that we can measure the strength of our brotherhood”.

“There should be no room for violence in our student organizations which our children consider family, and in our schools which they consider their second home,” dagdag pa niya. RNT/JGC