PBBM nangako ng internet sa malayo, liblib na lugar

PBBM nangako ng internet sa malayo, liblib na lugar

December 27, 2022 @ 10:41 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipagpapatuloy ng gobyernong Marcos ang paglalagay ng internet connections sa mga malalayong lugar sa bansa.

Ito ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamayang Filipino na ang access sa web ay itinuturing nitong “post-pandemic must-have.”

Ang pahayag na ito ng Chief Executive ay matapos na makiisa siya sa Zoom call sa pagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at mga stakeholders ng departamento.

“Gusto kong subukan kung talagang yung sinasabi sa akin ni Sec. Ivan (John Uy) e talagang gumagana,” ang pahayag ni Pangulong Marcos, na tinawag ang kanyang sarili na gatecrasher sa Zoom call.

“Mukha namang marami na tayong nalagyan ng bagong connection para may internet na sila ngayon… Lalo na yung malalayo dahil yan ang mas may kailangan, lalo na yung mga bata para sa kanilang eskuwela,” ang wika ng Pangulo.

“Umpisa pa lang ito. Gagawin natin ito para masabi natin na lahat ng Pinoy kayang kausapin lahat ng ibang Pinoy,” dagdag na pahayag nito.

Binati naman ng Punong Ehekutibo ang DICT para sa free Wi-Fi project nito.

“Yung iba’t ibang lugar nagkaroon na ng internet kaya’t dadagdagan pa natin,” ani Pangulong Marcos.

“Buti na lang maraming bagong teknolohiya na puwede nating gamitin na we are taking advantage of para naman sa buong Pilipinas ay makaramdam tayo ng connectivity at napaka importante ngayon niyan,” dagdag na pahayag ng Chief Executive.

Sinasabing pangunahing target sa libreng internet services ayon kay Pangulong Marcos ang mga lugar na kahit access sa mobile cellular services ay hindi available.

Nitong Disyembre 24 nang pinangunahan ni Pangulong Marcos ang virtual rollout ng “Broadband ng Masa” Program para sa mga mag-aaral at mga guro mula sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAS). Kris Jose