PBBM nangako ng pabahay sa flood victims sa MisOcc

PBBM nangako ng pabahay sa flood victims sa MisOcc

January 11, 2023 @ 2:18 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Housing Authority (NHA) na maghanap ng resettlement area para sa mga residente ng Misamis Occidental na ang mga bahay ay winasiwas ng mataas na pagbaha.

“Nag-coordinate na kami sa National Housing Authority. ‘Yung mga bahay na totally destroyed, hahanapan natin ng resettlement area para magkaroon ng tirahan,” ayon kay Pangulong Marcos sa isinagawang pamamahagi ng government assistance sa The Working Congressman Sports Complex sa Munisipalidad ng Tudela.

“So ‘yan ang ating mga gagawin… sa darating na ilang linggo kaya’t asahan ho ninyo, kung mayroon kayong pangangailangan, nandito po si governor, nandito po si congressman, nandito po ang ating mga ahensya,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

“Once a relocation area is identified, the government will send rebuilding materials so people can start constructing new homes,” ayon pa rin sa Pangulo.

Nais din ng Punong Ehekutibo na paghusayin ang flood-control structures, magsisilbi kasi Ito bilang first line of defense laban sa pagbaha at umapaw na mga ilog.

“Kaya naman titingnan natin ang lahat para gumawa tayo ng solusyon. Patuloy tayong maghuhukay sa mga ilog para gawing malalim, para hindi mabilis na – mabilis na lumabas ang tubig sa ilog at patuloy natin patitibayin ang mga flood control natin,” ayon sa Pangulo.

“Ngunit, sa long-term kailangan nating isipin kung papaano natin gagawin para hindi na talaga maulit. Wala na tayong risk na ganito ang mangyari,” dagdag na wika ng Punong Ehekutibo.

Tiniyak naman ng Pangulo sa mga residente ng Misamis Occidental na patuloy na magbibigay ng tulong ang kanyang gobyerno sa mga nangangailangan gaya ng relief goods, potable water, mga damit, at temporary shelter para sa mga bakwit.

“Nandiyan ang DSWD (Department of Social Welfare and Development), nandiyan po lahat ng ating ahensya na maaari ninyong lapitan nang makasiguro kami na lahat ng mga pangangailangan ninyo ay nabibigay,” ang sinabi ng Pangulo sa mga residente.

Kasama ng Pangulo sina Department of National Defense (DND) Secretary Carlito Galvez Jr., Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel M. Bonoan, at Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. Kris Jose