PBBM nasa Brussels na para sa Asean-EU Summit

PBBM nasa Brussels na para sa Asean-EU Summit

December 12, 2022 @ 11:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Dumating na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong umaga ng Lunes, Disyembre 12 sa Brussels, Beligum para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations-European Union (Asean-EU) Commemorative Summit.

Ito ang pang-7 official trip sa ibang bansa ni Pangulong Marcos simula nang maupo siya sa pagka-presidente noong Hunyo 30.

Ang Pangulo kasama ang kanyang official delegation ay lulan ng PR001, lumapag sa Abelag Aviation Private Hangar ng alas-9:53 ng umaga. (Philippine time).

Kasama ng Pangulo sa biyahe niyang ito sina dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo, Undersecretary Cheloy Velicaria-Garafil ng Office of the Press Secretary, Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Trade Secretary Alfredo Pascual, Finance Secretary Benjamin Diokno, at Senador Mark Villar.

Sa unang araw ng Pangulo, makakapulong nito ang Filipino community. Ang Belgium ay tahanan ng 5,647 overseas Filipino workers, na karamihan ay domestic helpers.

Sa pangalawang araw naman ng Chief Executive, nakatakda namang makapulong ni Pangulong Marcos ang mga European businessmen kung saan inaasahan niyang makakakuha siya ng P6.2 billion na investment pledges.

Ang pinakamalaking investment ay manggagaling mula sa British multinational company Unilever, makapagtatatag ng bagong state-of-the-art manufacturing facility para sa personal care products sa Cavite na nagkakahalaga ng P4.7 billion.

Magkakaroon din ng pakikipagpulong ang Pangulo sa OCEA, isang shipbuilding, navigation, ant logistics company, naglalayong mag-develop ng shipyard sa Pilipinas na may investment na P1.5 billion.

Sa pangatlong araw naman ng Pangulo sa Belgium, maghahayag ang Pangulo ng kanyang talumpati sa opening ceremony ng Asean-EU Commemorative Summit.

Nauna nang sinabi ni Daniel Espiritu, foreign assistant secretary for Association of Southeast Asian Nations (Asean) Affairs, na tatalakayin ni Pangulong Marcos ang post-pandemic at economic recovery sa panahon ng summit.

Hinggil naman sa sidelines ng summit, magdaraos ng 10 bilateral meetings ang Pangulo sa ibang bansa kung saan kasama rito ang Spain, Denmark, Germany, at Czech Republic.

Makakapulong naman ng Pangulo si King Philippe ng Belgium dahil na rin sa ipagdiriwang kapwa ng Maynila at Brussels ang 76th year ng diplomatic relations ngayong taon ng 2 bansa.

Babanggitin din ani Espiritu ni Pangulong Marcos ang regional at international issues, kabilang na ang maritime row sa South China Sea, Russia’s invasion sa Ukraine, at climate change, at iba pa.

Winika pa ni Espiritu na tatalakayin din ng Pangulo sa EU leaders ang isyu ng mga Filipino seafarers na nanganganib na mawalan ng trabaho matapos punahin ng EU ang Pilipinas para sa kakulangan sa local seafarer training at edukasyon. Kris Jose