PBBM, patuloy na nakikipag-usap sa renewable energy firms

PBBM, patuloy na nakikipag-usap sa renewable energy firms

September 20, 2022 @ 2:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Patuloy na nakikipag-usap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  sa ilang  renewable energy firms.

Layon nito na mapabuti ang ‘energy mix’ sa Pilipinas.

“May mga new and sustainable fuels na kausap ang ating Pangulo,” ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles sa   Facebook Live video sa PTV4 nang  hingan ng komento kung may nakatakdang pakikipagpulong si Pangulong Marcos sa  tech giant Tesla.

“Essential na bahagi ng pag-transform sa ating ekonomiya ang energy,” ayon kay  Cruz-Angeles.

Hindi naman aniya ito nangangahulugan na nakapuntos na si Pangulong Marcos sa pakikipagpulong nito sa Tesla.

“For most sa bahagi ng economic transformation ay ang pagpupuno para maging tama yung supply ng kuryente o energy para mapaandar ang ating mga negosyo,” dagdag na pahayag nito.

Kasalukuyang nasa  Estados Unidos  si Pangulong Marcos para dumalo sa  United Nations General Assembly (UNGA) at manligaw ng mga  investors  sa sidelines ng  international event.

Maliban sa pakikipagpulong sa kanyang mga  Filipino supporters sa Northern America, pinatunog ni Pangulong Marcos ang  ‘closing bell” ng  New York Stock Exchange.

“Hinikayat niya ang mga tao to invest in one of the fastest growing economies with good fundamentals, walang iba kung di ang bayan natin,” ayon kay Cruz-Angeles.

“Matapos po ang kaniyang pagbibigay ng talumpati, may konting diskusyon, may konting question and answer with the vice chairman of the New York Stock Exchange,” aniya pa rin.

Sa kabilang dako, inaasahan naman na makikipagpulong si Pangulong Marcos at ang delegasyon ng Pilipinas  sa mas maraming  business leaders sa kanilang  6-day US trip sa pag-asang  maka-akit ng mga investors.

“One of the things we need to do para maging masigla ang ating ekonomiya is yung pagpasok ng investors,” ayon kay Cruz-Angeles.

“We had instituted tax reforms. Marami po tayong magagandang legislation that is geared towards not just foreign investment but geared towards investment and geared towards creating a more active, robust economy,” dagdag na pahayag nito.

Samantala,  hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nakapipili si Pangulong Marcos ng magiging bagong Executive Secretary matapos na ang  kanyang long-time lawyer na si  Vic Rodriguez ay nagbitiw sa puwesto  noong nakaraang linggo.

“Mayroon pong mga kinoconsider na pangalan sa ngayon pero wala pa pong lumalabas na appointment,” aniya pa rin.

Sa lalong madaling panahon ay magsisimula naman aniyang magtrabaho si  Rodriguez bilang  bagong chief of staff ni Pangulong Marcos.

Sa ngayon ay  hindi pa rin ipinalalabas ng Malakanyang ang opisyal na appointment documents ni Rodriguez. Kris Jose