PBBM: Pinas mangungunang agricultural resource hub sa rehiyon, buong mundo

PBBM: Pinas mangungunang agricultural resource hub sa rehiyon, buong mundo

October 6, 2022 @ 1:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na  makakamit ng Pilipinas ang panahong mapapakain ang lahat ng mga Pilipino at manguna ang bansa bilang  bilang agricultural resource hub sa rehiyon at buong mundo.

Sa naging talumpati ni Pangulong Marcos sa opening ceremony ng Agri, Food at Aqualink Exhibit 2022 sa World Trade Center, sinabi nito na kaya niya itong gawin sa harap ng kanyang pangarap nawala ng magugutom pang Pilipino.

Aniya, gagawin ng kanyang administrasyon ang lahat ng makakaya nito para maabot ang target para sa sektor ng agrikultura sa gitna ng mga hamong kinakaharap.

Sa katunayan, sinisimulan na  ng gobyerno ang pagpapaunlad at pangangalaga sa mga magsasaka at mangingisda  kung saan lahat ng oportunidad ay dapat na maipagkaloob sa kanila.

Sa ganitong paraan wika ng Pangulo ay maaaring tingnan ang bukas para sa bansa bilang may matatag na pundasyon ng agrikultura.

Gayundin, kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga magsasaka at mangingisda bilang mga bayani ng Pilipinas dahil sa mahalagang  papel na ginagampanan ng mga ito para sa mga Pilipino.

Inihayag ni Pangulong Marcos na unsung heroes na maituturing ang mga mangingisda at magsasaka na aniya’y katuwang sa pag-unlad ng bayan.

Dahil aniya sa kanila ay may pagkain sa  hapag kainan na siyang nagbibigay lakas at maipursige ang mga dapat gawin para sa patuloy na pag-angat ng bansa.

Sa gitna nito’y sinabi naman ng Pangulo ang iba’t ibang tulong na naipamahagi na ng pamahalaan sa mga mangingisda at magsasaka gaya halimbawa ng financial assistance at fuel discount program na umabot na sa P320 milyon.

Nandiyan na rin aniya  ang  quick response fund na pantulong din sa mga magsasaka at mangingisdang naging biktima ng kalamidad.

Sa kasalukuyan aniya ay  nasa P1.54 bilyon na ang nailalabas ng gobyerno para sa may 17 milyong mga nakabenepisyo na sa naturang ayuda ng pamahalaan para sa mga nasa sektor ng agrikultura. Kris Jose