PBBM pinuri ang Gilas Pilipinas sa laban vs Saudi Arabia

PBBM pinuri ang Gilas Pilipinas sa laban vs Saudi Arabia

August 30, 2022 @ 3:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpaabot nang pagbati si Pangulong  Ferdinand Marcos Jr.  sa  koponan ng Gilas Pilipinas makaraang tambakan at manalo laban  Saudi Arabia sa  ginanap na 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, Lunes ng gabi.

Personal na pinanood ni Pangulong Marcos ang laro kung saan dumating ang pangulo sa kainitan ng laban sa third quarter.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nanood si Pangulong Marcos ng national team ng “live”  sa  venue sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Binabati natin ang Gilas Pilipinas sa kanilang panalo laban sa koponan ng Saudi Arabia sa naganap na FIBA World Cup Asian Qualifiers Game kagabi,” ang pagbati ni Pangulong Marcos sa kanyang tweet nitong Martes.

“Kumpiyansa tayo na gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para makapagdala ng karangalan sa bansa,” dagdag na pahayag nito.

Tinambakan ng Gilas Pilipinas ang Saudi Arabia sa kanilang paghaharap sa FIBA World Cup Asian Qualifiers sa iskor na 84-46.

Bumida si Jordan Clarkson para sa Gilas sa kaniyang unang home game.
Nagtala ng 23 points, six assists at five rebounds si Clarkson habang may 16 points, 13 rebounds at four blocks naman si Kai Sotto.

Samantyala, bukod kay Pangulong Marcos ay nanood din si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na kapwa nagpakita ng suporta para sa national team.

Bahagya namang nabahiran ng kontrobersya ang laro nang makailang-ulit na i-boo ng mga manonood ang coach ng Gilas Pilipinas na si Chot Reyes.KRIS JOSE