PBBM pinuri ni Bong Go sa utos na unahin kampanya vs HIV, TB

PBBM pinuri ni Bong Go sa utos na unahin kampanya vs HIV, TB

December 11, 2022 @ 3:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pag-uutos sa Department of Health na unahin ang paglaban sa tuberculosis at human immunodeficiency virus infections, bukod pa sa COVID-19.

“Mahalagang ipagpatuloy ang paglaban sa mga impeksyon sa HIV at TB, kahit na nakatuon tayo sa patuloy na laban sa COVID-19. Ang mga impeksyong ito ay maaaring magkaroon ng malubhang kahihinatnan para sa mga indibidwal at komunidad, at ang pagtugon sa mga ito ay napakahalaga para sa pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng ating populasyon,” sabi ni Go.

“By making the campaign against HIV and TB infections a priority, we can ensure that the necessary resources are allocated to prevent and treat these conditions, and protect vulnerable individuals from their devastating effects,” dagdag niya.

Naunang iniutos ni Pres. Marcos sa DOH na muling magpokus sa public health concerns, kabilang na ang paglaban sa mga impeksyon sa HIV at TB, kasabay ng kampanya laban sa COVID-19.

Samantala, sa isang survey ng independent research group na OCTA Research, hindi bababa sa 70% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang nalulugod sa mga programa ng kasalukuyang administrasyon na may kaugnayan sa pangangalagang pangkalusugan.

Ang mga resulta mula sa survey ng Tugon ng Masa na isinagawa mula Oktubre 23 hanggang Oktubre 27, 2022 ay nagpapakita na 73% ng respondents ay nasiyahan sa high quality at reasonable cost ng health care sa bansa.

“Habang tayo po ay bumabangon mula sa epekto ng COVID-19, sang-ayon po ako kay Pangulong Marcos na dapat na rin nating pagtuunan ng pansin ang iba pang public health threats na maaaring makaapekto sa ating mga mamamayan bukod sa pandemya,” ayon kay Go.

“Dapat simulan nating unahin ang pangkalahatang kalusugan ng publiko upang maisulong ang pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng mamamayang Pilipino. Dapat nating tiyakin ang ating kahandaan para sa mga potensyal na banta sa kalusugan at gumawa ng mga hakbang sa pag-iwas upang maprotektahan sila mula sa mga banta na ito,” dagdag niya.

Alinsunod sa kanyang adbokasiya na pahusayin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa, naghain si Go ng ilang health-related measures, kabilang ang Senate Bill No. 189 na naglalayong magbigay ng libreng taunang medical check-up para sa lahat ng Pilipino.

Ang iba pang mga hakbang na may kaugnayan sa kalusugan ay bumubuo rin sa bulto ng priority bill ni Go na inihain sa 19th Congress.

Kabilang dito ang SBN 190 na nag-uutos sa Philippine Health Insurance Corporation na ganap na sakupin ang lahat ng gastos sa dialysis treatments, sessions at procedures na ginawa sa mga health facility na kinikilala ng PhilHealth; SBN 195 at 196 na naglalayong itatag ang Centers for Disease Control and Prevention at Virology Institute of the Philippines ayon sa pagkakabanggit; SBN 191 o ang Advanced Nursing Education Bill; SBN 421 na nagtatag ng isang Emergency Medical Services System; ang SBN 427 na nagbibigay ng mga benepisyo at kompensasyon sa mga Barangay Health Workers; at SBN 428 na naglalayong magtatag ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa buong bansa.

“Tungkulin natin sa gobyerno na tiyakin na lahat ay may access sa mataas na kalidad, abot-kayang pangangalagang pangkalusugan. Ang isang malakas na sistema ng pangangalagang pangkalusugan ay maaaring makatulong upang maiwasan at makontrol ang pagkalat ng mga sakit, at maaari rin itong gumanap ng isang mahalagang papel sa pagtataguyod ng pampublikong kalusugan,” sabi ni Go.

Sa huli, sinabi ni Go na ang pagpapalakas ng sistema sa pangangalagang pangkalusugan ay mahalaga para sa pangkalahatang kalusugan at kagalingan ng ipunan. RNT