PBBM, pinuri si Obiena sa pagkapanalo sa Germany meet

PBBM, pinuri si Obiena sa pagkapanalo sa Germany meet

August 27, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.si pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena matapos magwagi sa Internationales Stabhochsprung-Meeting sa Jockrim, Germany.

“Isang maligayang pagbati para sa ating atleta na si EJ Obiena sa kanyang pagkapanalo ng gintong medalya,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang Facebook post.

“Ang pinakitang gilas ni EJ sa larangan ng pole vault ay isang katangiang maaaring tularan ng mga kabataang nangangarap na maging isang atleta,” dagdag na pahayag nito

Kaagad namang in- acknowledged ni Obiena ang post ng Pangulo, sa Facebook din.

“Maraming salamat po, President Bongbong Marcos, for the congratulatory message and recognition. I hope I did the country proud,” ani Obiena.

Sa ulat, naging makabuluhan ang pagbabalik-aksyon ni Pinoy pole vaulter EJ Obiena matapos masungkit ang medalyang ginto sa 26th Internationales Stabhochsprung-Meeting sa Jockgrim, Germany nitong Miyerkules ng madaling araw.

Nakubra ni Obiena ang medalya nang matalon ang 5.81 metro kaya natalo nito si world No. 2 Chris Nilsen ng United States, nakakuha lamang ng ikalawang puwesto nang malampasan ang 5.71 metro habang si Kurtis Marschall ng Australia ay nakuha ang ikatlong puwesto.
Nabigong maitala ni Obiena ang 5.95 metro matapos ang tatlong beses na pagtatangka.

“Great start for the second part of the season,” banggit ni Obiena sa kanyang Facebook post.

Sasabak din si Obiena sa Athletissima Meet sa Lausanne, Switzerland simula Agosto 25-26, bago ang pagsalang sa True Athletics Classics sa Leverkusen sa Germany sa Agosto 28. Kris Jose