PBBM, PNP,  NGOs, LGUs, PAHALAGAHAN ANG TRADITIONAL MEDIA 

PBBM, PNP,  NGOs, LGUs, PAHALAGAHAN ANG TRADITIONAL MEDIA 

September 19, 2022 @ 5:19 PM 2 weeks ago


AMININ o hindi ng mamumuhunan, halos naghihingalo na ang mga pahayagan, broadsheet o tabloidman, dahil sa paglago ng teknolohiya na kinapapalooban ng social media.

Halos wala nang tumatangkilik ng dyaryo at lahat ay nakatutok na sa balita sa internet na malaki ang naging epekto sa balita at advertisements.

Totoong mas marami na ang tumatangkilik sa social media dahil mas mabilis ma-post ang kanilang nais iparating sa taumbayan. Sa social media kasi, hindi na dumaraan sa editors basta may computer, laptop o cellphone at  may kakayahan na ring magpahayag at magbahagi ng kanilang saloobin, karanasan o nasaksihan ay post kaagad.

Eh di ba kadalasan umaabot pa sa puntong minamaliit na nila ang mga nasa traditional media dahil mabagal daw at hindi na uso?

Pero teka lang naman, sana lang alalahanin ninyo na ang mga ito, traditional media, ay nag-uulat base sa nakalap nilang data na kanilang kinukumpirma muna bago ipalabas? Dumaraan muna rin sa pagsala ng kanilang editors.

Ipinaiiral din ng traditional media ang balance reporting kung saan ay kinukuha ang komento ng bawat panig. Eh ganoon ba ang social media?

Di ba ibinabase lamang sa kanilang layunin na maipahayag kung ano ang kanilang opinyon at nais na palabasin?  Kayang-kaya nga kasi nilang i-edit at walang daraanan o balakid sa pag-upload.

Karamihan sa social media, bagaman di nga lahat, wala silang pakialam kung may maaapektuhan sa kanilang inilalabas na mga ulat at hindi man lamang sinisiguro kung ito ay may katotohanan.Balewala rin kanila sa kung sino man ang masagasaan basta’t naipalabas nila ang kanilang nais na mabunyag.

E di ba parang tsismis lang na gusto nilang ipakalat at masira ang target nilang tao? Di sila reliable dahil wala silang sinusunod na journalism Ethics, hindi katulad ng nga traditional mediamen na na may kinakatakutan kapag naging “Marites’ sapagkat ayaw mademanda at maabala sa araw-araw na gawain.

Sabagay, may nilalabag ding batas ang mga nagpalalabas ng fake news. Kaya nga may cyber libel.

Parehong may kinakaharap na responsibilidad pero siguro mas dapat pumanig ang marami sa traditional media.

Kasi nga ang traditional media ay kadalasang accurate dahil sinisigurong tama ang mga detalyeng inilalabas.

Mabilis ang social media sa pagpapalabas ng anumang gustong nilang ipalabas at may kasamang pag-edit at panlilinlang ang kanilang ginagawa.

Pero dapat mas pahalagahan ng mga tao sa pamahalaan tulad ng Malacanang, mga tanggapang nasa ilalim nito, Philippine National Police at local government units sapagkat hindi pa rin matatawaran ang papel ng traditional media dahil sa karanasan na sa pag-uulat.

Hindi basta lamang nag-uulat ang traditional media kundi isinasaalang-alang din nila ang karapatan at kapakanan ng mga taong sangkot sa kanilang iniuulat.