PBBM, PRAYORIDAD ANG KALIGTASAN NG PUBLIKO

PBBM, PRAYORIDAD ANG KALIGTASAN NG PUBLIKO

August 25, 2022 @ 7:26 PM 1 month ago


ALAM ba ninyo mga igan, isa sa mga pangunahing pinag-utos ni Pangulong Ferdninand Marcos, Jr. sa kalihim ng Department of Transportation na si Sec. Jaime Bautista ay palaging tiyakin ang kapakanan at kaligtasan ng mga mananakay o publiko sa alinmang uri ng transportasyon na nasa ilalim ng kanyang kagawaran.

Kaya naman ay “no choice” si DOTr Sec. Bautista kundi ang sumunod sa atas ng kanyang ‘big boss’ na serbisyo publiko naman ng taumbayan.

Aba’y talagang “no choice” din ang milyones na Pinoy kundi ang sumunod lalo na ang kanyang mga kritiko at ang mga kasalukuyan pang nakikiramdam sa magiging direksyong ng tinatahak ng bansa sa ilalim ng liderato ng Pangulong Bongbong Marcos.

Kailangan na nilang “makisayaw sa tugtog” na kung saan ay anim na taon lang ang kanilang hihintayin. Kung tutuusin naman kasi ay napakaganda nang mga layunin at hangarin ni PBBM para sa bansa.

Bukod kasi sa pagsasaalang-alang sa kapakanan ng ating mga mananakay ay inatasan din ni Presidente Marcos si Bautista na padaliin ang prosesong itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para mabilisang pagkuha ng ayudang nakalaan sa drivers ng mga pampublikong sasakyan.

Isa pang atas ng Pangulo kay Bautista ay ipagkaloob sa mamamayan ang abot-kaya subalit komportable at ligtas na transportasyon sa buong bansa.

Binigyan diin ni Bautista ang mga platapormang ipinag-uutos sa kanya ni PBBM sa Monday Flag Raising Ceremony na kanyang pinangunahan sa kanyang punong tanggapan sa Quezon City.

Malaking hamon ngayon kay Bautista ang pagpapatupad ng kautusan ni Pangulong Bongbong sapagkat may posibilidad na hindi tumalima ang karamihan na nagpapatupad ng batas sa LTFRB at Land Transportation Office.

Sumunod kaya kay Bautista ag mga protektor ng operasyon ng kolorum na van? Yan ang aabangan ng marami sa mga mananakay lalo na yung mga matibay ang pananampalataya na maraming pagbabago ang magaganap dahil batid nilang ang nais ng Pangulo ay matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mamamayan, mahirap man o mayaman.