PBBM pumiyok, ‘di nakatapos ng special diploma sa UA&P

PBBM pumiyok, ‘di nakatapos ng special diploma sa UA&P

March 13, 2023 @ 4:15 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pumiyok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi niya natapos ang kanyang “special diploma course” sa  economics sa University of Asia and the Pacific (UA&P) sa Pasig City.

Ang pag-amin na ito ng Pangulo ay nabanggit niya sa pagtinta sa Memorandum of Understanding (MoU)  sa pagitan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) nang magbigay ito ng pagbati  kay NGCP president at CEO Anthony Almeda.

Sinabi ng Pangulo na siya at si Almeda ay magkaklase sa kaparehong kurso kung saan pareho nilang hindi natapos ang nasabing kurso.

“I thank, of course, Anthony.. Anthony is known to me bauses we were classmates together. We were studying economics actually, Asia Pacific,” ayon kay Pangulong Marcos sa naging talumpati nito.

“Pareho kaming hindi nagtapos. But i know him well and I’m happy that he has taken the lead in this,” dagdag na wika nito.

Matatandaang, simula pa noong 2022 campaign period ay kuwestiyonable na ang educational credentials ng Pangulo.

Sa kanyang profile sa Senado, sinasabing nakakuha siya ng Special Diploma sa Social Studies mula Oxford University sa England mula 1975 hanggang 1978 at nag-enroll sa Wharton School of Business for a Master of Business Administration noong 1979.

May grupo naman ng mga estudyanteng Filipino at alumni ng Oxford University ang nagsabi na hindi nakakuha ng degree si Pangulong Marcos mula sa unibersidad sabay sabing ang nakuha lamang ng Pangulo ay special diploma.

Gayunman, iginiit naman ng Pangulo na ang kanyang kinuha ay degree course kaya’t malinaw na gumradweyt  o nagtapos siya mula sa unibersidad. Kris Jose