PBBM pumunta sa rollout ng booster shot sa Pasig City

PBBM pumunta sa rollout ng booster shot sa Pasig City

August 1, 2022 @ 4:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Personal na sinadya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “Pinas Lakas event” sa Pasig Sports Complex para tingnan kung maganda at mahusay ang isinasagawang booster rollout sa nasabing lungsod.

Sa naging talumpati ng Pangulo. sinabi nito na kailangang magpabakuna ang lahat o kumuha ng booster shot dahil hindi naman aniya lingid sa kaalaman ng lahat na hanggang ngayon ay may COVID 19 pa rin sa bansa.

“Masyado tayong minamahal (ng COVID dito) sa Pilipinas, ayaw tayong iwanan, kaya’t kailangang magpabakuna tayo ng mabuti, dahil siguro naman nabalitaan na ninyo maraming mga variant eh yung bakuna kung minsan kailangan isa pa para talagang tiyak tayo na hindi na tayo aabutan nung kahit ano pang variant,” ayon sa Pangulo.

Kaya naman, binati niya ang lokal na pamahalaan ng Pasig dahil naging maayos ang pag-rollout ng booster shot.

“Kumusta na kayo? Masaya na kayo dahil nagpabakuna na kayo, ligtas na, hindi na kayo kailangan matakot, pero mag mask pa rin kayo at saka maghugas ng kamay, ganun naman eh, kahit walang COVID dapat naghuhugas ng kamay kaya magandang kasanayan yan,” ayon sa Chief Executive.

“Anyway, kaya nga ako nagpunta rito dahil nga ay makita na maganda ang ating pag rollout ng booster ulit kaya’t kayo na nanditop na na magpapabooster na ay hikayatin ninyo yung mga kasamahan ninyo, yung pamilya niyo, lahat, sabihin ninyo na magpabooster na para hindi nyo na kailangang aalahanin itong covid na ito para masasabi natin na dito sa Pilipinas ay tapos na,” aniya pa rin.

Sinabi ng Pangulo na wala naman kasing ibang panlaban sa COVID 19 kundi ang bakuna.

“Wag na po natin antayin na dumami pa ang mga kaso at maging mahirap na naman ang ating pagpunta sa trabaho, ang ating paglabas ng bahay, ngunit naipangako ko sa inyo at uulitin ko, sa aking palagay kaya naman natin macontrol ito kayat hindi na tayo maglalockdown. Wala nang lockdown tayo. Lalo na pag naging matagumpay ang ating rollout,” lahad nito.

“Kaya’t mabuti nakadalaw ako at makita ko kayong lahat at makita ko na marami sa ating mga kababayan ay nakuha na ang mensahe na magpa booster shot. So good luck sa inyong lahat. Ingat lang po. Kagaya ng dati, ingat lang po, follow the protocols, hugas ng kamay, suot lang muna ng mask hanggang masabi natin na ang Pilipinas ay Covid-free. Maraming salamat sa inyong lahat,” litaniya nito. Kris Jose