PBBM residente  na ‘di agad lumilikas tuwing may sakuna: ‘Hindi matigas ang ulo nila’

PBBM residente  na ‘di agad lumilikas tuwing may sakuna: ‘Hindi matigas ang ulo nila’

November 8, 2022 @ 1:52 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi matigas ang ulo ng mga mamamayan na tumangging magpalikas sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Kaya walang dahilan ayon kay  Pangulong  Ferdinand Marcos Jr.  na sisihin ang mga ito sa hindi pag-iwan sa kanilang tahanan.

Sa isang situation briefing matapos ang pananalasa ni  tropical storm Paeng sa Antique,  sinabi ni Pangulong Marcos na “very natural”  ang problema sa mga taong tumanggi na magpalikas  sa panahon ng sakuna at nangyayari ito kahit saan.

“Hindi matigas ang ulo nila. Ganyan talaga everywhere. Everywhere ka pumunta problema ang evacuation. Ayaw nilang iwanan ‘yung bahay nila eh. Siyempre you cannot blame them.’ Yan na nga hinahabol ang baka malaki ang halaga nun. ‘Yung mga bahay nila ayaw nilang iwanan,” ayon sa Pangulo.

“Baka kahit hindi madaanan ng tubig eh pagbalik nila wala nang laman ‘yun. Siyempre very natural ‘yan, everywhere is the same. You have to find a way to convince them whatever to bring them to evacuation center,” winika pa nito.

Ang pahayag na ito ni Pangulong Marcos ay matapos sabihin ni  Antique Governor Rhodora Cadiao na may ilang tao ang makikitaan ng katigasan ng ulo at hayagang tumatanggi na lisanin ang kanilang bahay sa kabila ng panganib ng sakuna o kalamidad.

“Ang ibang namatay diyan eh ayaw pumunta sa evacuation, hinahabol nila ‘yung mga baka nila. So, apat namatay na hinahabol ang baka nila kasama ang mga kamag-anak. Pero may preemptive kami. Matigas lang ang ulo ng iba in-underestimate namin kasi itong Paeng na ito,” ayon kay Cadiao.

Tinuran naman ng Chief Executive ang kahalagahan ng preemptive evacuations para matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga tao na nakatira sa  mga  “vulnerable communities.”

“The preemptive evacuation is always a good idea. Basta maitabi mo yung tao. Take them out of the area of danger, then you are way ahead kahit na may property damage which we cannot do about it anyway. At least ang tao hindi nadala ng tubig o naanod at na heart attack,” ayon sa Punong Ehekutibo.

Samantala, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan sa mga residente sa lugar sa Antique na labis na tinamaan ni  Paeng. Kris Jose