PBBM sa agri-smugglers, protector: Hahabulin natin sila!

PBBM sa agri-smugglers, protector: Hahabulin natin sila!

June 30, 2022 @ 7:13 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ni President-elect Ferdinand Marcos Jr., na hahabulin niya ang mga taong nasa likod ng smuggling ng produktong agrikultura sa bansa.

“We’re going to run after them. Hahabulin natin sila,” diin ni Marcos sa isang panayam sa naging pagbisita nito kamakalawa para sa oath taking ng One-Cebu.

Siniguro ni Marcos na mananagot ang mga nasa likod ng di umano’y agricultural smuggling.

Ibinigay na kasi ni outgoing Senate President Vicente Sotto III ang listahan ng 22 pangalan ng nagpupuslit ng agricultural products sa bansa at ang mga nagsisilbing protektor umano nila sa gobyerno.

Ang listahan ay bahagi ng Committee report hinggil sa naging imbestigasyon ng Senado sa agri-smuggling.

Si Marcos din kasi ang pansamantalang uupong secretary ng Department of Agriculture simula ngayong Hunyo 30.

Samantala, dismayado naman si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, isa sa 22 pinangalanan sa Committee report na di umano’y protektor o agri-smuggler .

“Eh, kung talagang may involvement kami eh di kasuhan kami para maipagtanggol namin.. sarili namin ba? HIndi ‘yong padadaanin sa media. Diyos ko naman, dalawang araw na lang, isang araw lang actually di ba? Tapos iyon…mayroong call me to resign. Alam niyo, madaling mag-resign. Ang tanong eh, sinong papalit? Sinong magpapatuloy ng trabaho?,” lahad ni Guerrero.

Samantala, nagsasagawa na ng sarili nitong imbestigasyon ang Department of Agriculture.

Sinabi nito na may tugma ang ilang pangalan na kanilang iniimbestigahan sa listahan na ipinalabas ng Senado.

“More or less, the same po but medyo ung nasa Senate investigation are quite marami. hindi naman po ganun. encompassing iyong investigation we are conducting ,” ayon kay Atty. Armando Crobalde Jr.

Ipauubaya naman ni Agriculture Secretary William Dar sa Presidential Anti-Corruption Commission at sa Office of the Ombudsman ang pagi-imbestiga sa kanilang mga tauhan na dawit sa di umano’y agri-smuggling.

Iginiit nito na wala siyang kaugnayan sa mga opisyal na ito.

‘Wala hong katotohanan yan. Alam mo nung pagdating ko, talagang binalasa ko kasi maraming reports na ganoon nga ang nangyayari,” ayon kay Dar. Kris Jose