PBBM sa DILG, PNP: Election hotpots tukuyin, private army kalusin

PBBM sa DILG, PNP: Election hotpots tukuyin, private army kalusin

March 6, 2023 @ 6:25 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. at ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng masusing eksaminasyon o pagsusuri  sa mga lugar na itinuturing na “hotspot” o mainit na mga lugar tuwing dumarating ang eleksyon.

“Actually, sinabi ko sa ating Secretary Abalos and PNP is to now make an examination kagaya yung ating ginagawa kapag darating ang eleksyon kung saan ang hotspot. Sabi ko gawin niyo uli ngayon. Don’t think of the election first. But think kung ano yung mga hotspot na mainit na mga lugar at tingnan natin,” ayon kay Pangulong Marcos.

Bukod dito, dapat aniyang gawin kaagad  na hanapin ang mga illegal na armas at lansagin ang private army.

“Basta kakaunti ang illegal firearms, kakaunti ang ganyang klaseng krimen. Yung mga private army na ganyan, kailangan talaga i-dismantle lahat ‘yan,” ani Pangulong Marcos.

“That’s what we have asked them to do. So far, maganda naman ang nagiging imbestigasyon. Marami silang nakukuhang information. Mabilis naman ang paghuli sa ating mga suspects. Sa ngayon meron pa rin tayong in hot pursuit. Basta’t sinara nila yung isang area and they’re conducting what they refer to as ‘drag net’ kung saan dahan-dahan, kung meron pa, ay iniipit sa isang lugar. So that’s what’s happening now,” dagdag na wika ng Pangulo.

Para sa Pangulo, ang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ay hindi katanggap-tanggap.

“This cannot go unpunished,” diing pahayag ng Pangulo.

Sa kabilang dako, sinabi ng Pangulo na nakarating na sa kanyang kaalaman ang paghingi ng proteksyon ni Cong. Arnie Teves para sa buhay nito at ng kanyang pamilya matapos ang insidente ng pagpatay kay Degamo.

Isa kasi si Teves sa pinagbibintangan na umano’y nagpapatay kay Degamo.

Sa isang video clip, nanawagan si Teves sa Pangulo kung saan sinabi nito na “nakakatakot ang ganitong mga pangyayari, kaya ako nananawagan sa ating magaling at mabait na Presidente, sir, Mr. President BBM.. umaapela ako paki sabihan iyong tao ninyo na ipabalik na ang aking lisensiya ng mga baril para naman sa aking proteksyon at proteksyon ng aking pamilya.”

“I think, right now, everybody talaga binibigyan namin ng proteksyon. We don’t have details yet. Baka merong kung sino man who feels aggrieved or whatever.  Whatever. Siyempre, mainit ngayon ‘yan. The emotions are running high. So I’ve asked our joint– meron tayong joint na yung army tsaka yung police and between them, I suggest keep your presence known, felt, para hindi magkagulo. So far naman, we have not heard of any instances, o kung merong nababalitaan na may planong gawin, wala naman tayong nababalitaang ganoon,” litaniya naman ng Pangulo.

Samantala, para sa Chief Executive ay  nakagugulat ang nangyari kay Degamo.

Hindi aniya siya makapaniwala na mangyayari ang ganitong krimen.

“Pinasok ba naman ang sarili niyang bahay. At tsaka when you see the video, talagang lahat– basta naharap sa kanila babarilin nila. Ilan ang pinatay nila, walang kinalaman sa kanilang gulo, kanilang away,” ani Pangulong Marcos.

“So, yes. This one is particularly terrifying and really, uhm, I don’t know. This does not belong in our society. Hindi na pwede yung ganyan kaya’t hindi natin pababayaan,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

At kung ang krimen na nangyari kay Degamo ay isolated, ang paliwanag ng Pangulo ay “Actually, if you think of the three cases that came in, iba-iba talaga. But then they started to become political. Yung dalawa, yung first two of the three, actually baka hindi political. Basta. But the other, ito this is purely political.”

“Yes, so, yes. That’s why we are looking and getting all the best intelligence we can from our people on the ground to tell us where the places we should be looking at. Where do we need more people, where do we need more personnel, who are the personalities involved, etc, all of these things? So we get a good read on the intelligence,” aniya pa rin.

Matatandaang bago patayin si Degamo ay napaulat na tinambangan noong Pebrero 17 si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Junior.

Pebrero 19 naman nang tambangan at nasawi rito si Aparri Cagayan Vice-Mayor Rommel Alameda at lima niyang kasama sa Bagabag, Nueva Vizcaya.

Matapos ang ilang araw ay si Datu Ontawal Mayor Ohto Montawal naman ang nasangkot sa pananambang.

Namatay rin noong nakaraang linggo ang Kapitan ng Barangay San Carlos sa Lipa City, Batangas na si Vivencio Palo. Kris Jose