PBBM sa disaster officials: FEMA ‘best practices’, pag-aralan

PBBM sa disaster officials: FEMA ‘best practices’, pag-aralan

November 22, 2022 @ 4:06 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang  disaster executives  ng bansa na pag-aralan ang mga hakbang ng  United States Federal Emergency Management Agency (FEMA) para matutunan ang  ‘best practices’ nito pagdating sa disaster management.

Inihayag ito ni Pangulong Marcos sa isang pulong sa Malakanyang kung saan binigyang diin nito ang pangangailangan upang maging mas “responsive” ang gobyerno sa pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna o kalamidad.

Itinutulak ni Pangulong Marcos  ang paglikha ng isang  team na kaagad na tutugon  sa  bawat emergency o sakuna.

Tinukoy nito ang atrasadong pagtugon ng gobyerno kapag nagkakroon ng sakuna at tinukoy naman ang agwat ng pagkakaloob ng authority sa ahensiya ng pamahalaan.

“So that kind of authority and you can… basta’t pag disaster, within a day or two, hopefully within a day, pasok na sila and they’ll see what’s going on and then report back to us and start with the assessment,” ayon sa Pangulo.

“And pagka they assess on the ground, they can already start calling the other agencies…‘Yun lang habol ko eh. ‘Yung mabilis, para mas mabilis,” dagdag na wika ng Pangulo.

“The US FEMA is created for the dual mission of emergency management and civil defense,” ang nakasaad naman sa website nito.

Samantala, nais naman ng Punong Ehekutibo na iwasan ang “circuitous bureaucratic process” at kagyat na bigyan ang ahensiya ng  kapangyarihan na kaagad na tumugon at pangasiwaan ang mabilis na pagpapalabas ng pondo ng gobyerno.

Sa ilalim ng panukalang setup, ang isang  team, kinabibilangan ng iba’t ibang ahensiya kabilang na ang military, pupunta sa  disaster area, gagawa ng  assessment at magpalabas ng report.

“And then, they will come up with a very – report, sasabihin DSWD ‘we need this’… and then they will have the power… under the OP, will give them the authority,” ayon sa Chief Executive.

Matatandaang, sinabi ng Pangulo na pinag-aaralan niyang ilagay ang National Disaster Risk Reduction and Management Council sa ilalim ng  Office of the President (OP) para i-streamline  ang ‘disaster response efforts.’ Kris Jose