PBBM sa DOH: Sa loob ng 100 araw, 90% ng seniors dapat bakunado na vs COVID

PBBM sa DOH: Sa loob ng 100 araw, 90% ng seniors dapat bakunado na vs COVID

July 16, 2022 @ 11:15 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nais ng administrasyon na mabakunahan ng Department of Health laban sa COVID-19 ang 90% ng mga senior citizen sa bansa sa loob ng unang 100 araw ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos, sinabi ni Department of Health officer in charge Maria Rosario Vergeire noong Biyernes.

Sa pinakabagong episode ng The Mangahas Interviews, sinabi ni Vergeire na ang DOH ay naghahanap na magkaroon ng “high impact” sa kaligtasan ng mga Pilipino laban sa kinatatakutang coronavirus.

Ayon pa kay Vergeire, binigyan sila ng marching orders na dapat bago dumating ang 100 days bilang Pangulo, kailangan matapos nang mabakunahan ang 90% ng mga senior citizens sa buong bansa.

“Gusto natin magkaroon ng high impact ang first 100 days that’s why we are targeting the most vulnerable and that is our senior citizens. Pangalawa, kailangan marating natin ‘yung coverage at least 50% ng ating eligible population for booster shots,” pahayag ni Vergeire

Nitong Hulyo 12, nasa 71 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan laban sa COVID-19. Samantala, 15.3M lamang ang naka-avail ng booster doses

Upang higit na mapabuti ang rate ng pagbabakuna lalo na ang paghahatid ng mga booster shot, sinabi ni Vergeire na makikipag-ugnayan ang DOH sa iba pang ahensya ng gobyerno upang gawing mas accessible sa publiko ang COVID-19 shots.

“Ilalapit natin ang ating mga bakuna sa ating mga komunidad. Ginagawa na natin dati pero mas ilalapit natin. We will do that by settings, ibig sabihin, hindi pangmalawakan,” sabi ng bagong DOH-OIC.

Dagdag niya, gagawa ng mga settings na pang malawakan para nakakatulong din ang ibang agensya.

Sinabi ni Vergeire na magkakaroon ng vaccination sites sa mga paaralan sa tulong ng Department of Education at Commission on Higher Education.

Magkakaroon din ng vaccination site sa mga simbahan, palengke, mall, at sa mga komunidad.

“We will work with the DILG on that,” ani Vergeire .

Tutulong din ang DOTr sa paglalagay ng vaccination sites sa bus terminals at train stations.

Umapela naman ang DOH sa publiko na maging bigilante sa gitna ng pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bansa.

Hinikayat din niya ang mga Pilipino na i-avail ang kanilang booster doses at patuloy na sumunod sa minimum public health standar. Jocelyn Tabangcura-Domenden