PBBM sa DSWD: Mga badjao bigyan ng pangkabuhayan para ‘di na mamalimos

PBBM sa DSWD: Mga badjao bigyan ng pangkabuhayan para ‘di na mamalimos

November 29, 2022 @ 10:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Iniatas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bigyan ng disenteng pagkabuhayan ang mga Badjao upang tumigil na ang mga ito na lumuwas pa ng Maynila at mamalimos sa tuwing sumasapit ang Kapaskuhan.

Ito ang inihayag ni DSWD Secretary Erwin Tulfo matapos pangunahan ang pamamahagi ng cash assistance sa 500 pamilyang Badjao, araw ng Lunes.

Ang bawat pamilya ay nakatanggap ng P10,000 cash bilang ‘start-up capital’ mula sa DSWD, sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation Program ng departamento.

Kabilang sa mga recipients ang mga Badjao na nasagip o nailigtas ng DSWD sa mga lansangan sa Maynila.

Winika ni Tulfo na “over 300 families have been sent home since last week,” karamihan sa mga ito ay mula sa lalawigan ng Basilan at Sulu.

Sinabi pa ng Kalihim na nais ng administrasyong Marcos na bigyan ang mga Badjao ng disenteng pangkabuhayan o pagkakakitaan sa halip na mamalimos sa lansangan.

“This is the reason why we came here today. We want to solve the problem of the Badjao in going to Manila to beg every Christmas,” ani Tulfo.

Sa kabilang dako, sinabi pa ni Tulfo na sa mga darating na linggo, nakatakdang magtayo ang DSWD ng wet market kung saan maaaring ibenta ng mga Badjao ang kanilang produkto.

Sa katunayan, nakipag-ugnayan na aniya siya kay Zamboanga City Mayor John Dalipe ukol sa wet market project para sa mga Badjao.

Samantala, nakipagtulungan naman ang DSWD sa local Civil Registrar Office sa paglulunsad ng birth certification registration program para sa mga Badjao payout recipients sa Zamboanga City.

“Since they don’t have birth certificates, they are not entitled to receive benefits and avail of sustainable livelihood program of the government,” ayon kay Tulfo sabay sabing ang Zamboanga City ang magiging pilot area ng birth certificate registration program para sa mga indigenous peoples (IPs).

Sinabi ni Tulfo na ilulunsad din ang naturang programa sa buong bansa para sa kapakinabangan ng mga IPs sa Luzon island at mga lalawigan ng Mindoro, Cotabato, Davao at Palawan.

Ngayong araw ng Martes, Nobyembre 29 ay papuntang Basilan at Sulu ang grupo ni Tulfo para magbigay ng livelihood assistance sa mga Badjao sa dalawang nasabing lalawigan. Kris Jose