PBBM sa gov’t agencies: Maging handa sa pagkasa ng Alert Level 2 sa Bulkang Mayon

PBBM sa gov’t agencies: Maging handa sa pagkasa ng Alert Level 2 sa Bulkang Mayon

October 8, 2022 @ 8:45 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  sa mga ahensya ng pamahalaan at  local government units upang tiyakin ang kahandaan ng mga ito matapos na itaas sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon

Sa katunayan, nakikipag-ugnayan na si Pangulong Marcos sa  Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“Matapos itaas sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon, tayo ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa PHIVOLCS, NDRRMC, LGUs at iba pang ahensya upang siguraduhin na ang lahat ay handa sa posibleng pagbago ng sitwasyon. Mag-ingat po tayo,” saad sa tweet ng Pangulo.

Sa panig naman ng Phivolcs, itinaas na sa Alert Level 2 ang Bulkang Mayon dahil sa patuloy na pag-alburuto ng bulkan.

Nagkakaroon aniya ngayon ng shallow magmatic process ang bulkan na maaring magdulot ng phreatic eruption o hazardous magmatic eruption.

Una nang inilagay sa Alert Level 1 ang bulkan noong Agosto dahil sa low-level unrest.

Pinapayuhan ang mga residente na huwag pummasok sa six-kilometer-radius permanent danger zone para makaiwas sa posibleng biglaang pagsabog, rockfall at landslides.

Pinapayuhan din ang mga piloto na iwasang magpalipad malapit sa bulkan. Kris Jose