PBBM sa mga residente ng Ormoc: Magpaturok ng booster vs COVID

PBBM sa mga residente ng Ormoc: Magpaturok ng booster vs COVID

October 20, 2022 @ 3:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. sa mga residente ng Ormoc City  na magpa-booster shots  dahil nananatili pa rin ang pandemiya na bitbit ng COVID-19.

Kasalukuyan ngayong nasa Ormoc ang Pangulo para saksihan ang pagdiriwang ng  ika-75 Ormoc City Diamond Charter Day.

Binigyang diin nito na kung ang mga tao ay nag- avail ng  booster doses bilang dagdag proteksyon laban sa coronavirus, mas maraming negosyo ang magbubukas  at nangangahulugan ito ng mas maraming  job opportunities para sa mga  residente.

“I call on the people of Ormoc City to actively participate… Mayroon pa rin tayong kailangang pag-alagaan. Kung minsan dahil… ‘Yan ganyan, wala na tayong masks. Hindi na tayo masyadong maingat ay nakakalimutan natin nandiyan pa ang pandemya. Medyo mahina na pero mas hihina ‘yan kung tayo po ay magpa-booster shot,” ang bahagi ng talumpati ni Pangulong  Marcos.

“So gagamitin ko na lang itong aking pagkakataon na magsalita sa inyo. Magpa-booster shot po kayo para mabawasan na ‘yan lahat ng infection, mabuksan na natin lahat ng negosyo. Wala ng protocol, wala ng plastic, wala ng kung ano-ano pa,” ayon sa Pangulo.

“Bukas lahat ang restawran, bukas lahat ng mga tindahan, bukas lahat ng mga paghahanap-buhay ng ating mga kababayan. Kaya’t maimamadali ‘yan kapag tayo ay sumama sa PinasLakas vaccination campaign against COVID-19,” ang wika pa nito.

Aniya, ang  booster vaccination rate sa Ormoc City ay nananatiling mababa kaya’t  dapat lamang na itaas ng 50%  upang  makamit ang “wall of immunity.”

“Mababa pa tayo sa booster uptake. Dito sa inyo, 33 percent. Pero alam ko kaya ninyong paakyatin ‘yan. It is essential that we increase that rate to 50 percent para mayroon tayong tinatawag na wall of immunity. Magtulungan tayo. Napakahalaga nito at marami tayong magagawa kaagad,” ani Pangulong Marcos.

“So i-prioritize natin ang ating health so that with renewed vigor and with renewed strength, we can act unrestrained in our efforts to bring forth a better, a brighter, and more united Philippines for everyone,” aniya pa rin.

Maliban sa naging panawagan ng Pangulo sa mga residente ng Ormoc  na magpa- booster  shots, umaasa naman ang Chief Executive  na ang  Ormoc City “will bind its people and sustain its programs and projects that are primarily geared to attain the crisis that we face that of food security, that of energy supply, and the change in the global climate.”

Inalala ng Punong Ehekutibo ang epekto ng bagyong Yolanda na tumama sa Leyte province noong 2013.

Pinuri rin ng Pangulo ang implementasyon ng Local Climate Change Action Plan 2016-2025,  na ayon sa kanya ay “helps the executive branch of government to deliver our mandate, to boost civic engagement, and to raise public awareness.”

“‘Yung mga dumadaan na bagyo ay talagang kailangan natin isipin nang mabuti kung papaano natin babaguhin ang ating pamumuhay. Kung papaano natin babaguhin ang ating mga ginagawa upang tayo naman ay masagot natin itong global warming na nararamdaman natin,” pahayag ni Pangulong  Marcos. Kris Jose