PBBM sa PUV modernization: Walang tsuper na mawawalan ng trabaho

PBBM sa PUV modernization: Walang tsuper na mawawalan ng trabaho

March 8, 2023 @ 2:31 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na titiyakin ng pamahalaan na walang drayber ang mawawalan ng hanapbuhay at pangkabuhayan sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.

Isa aniya sa concerns ng transport group  na inilahad sa meeting sa Malakanyang sa gitna ng tigil-pasada ay ang kawalan ng kakayahan ng mga jeepney drivers na makakuha ng modernized jeepney.

“Ang problema na kanilang sinasabi ay baka hindi sila mapautang para makabili ng bagong sasakyan kaya yan ang tinitingnan namin ngayon na tiyakin  na walang mawawalan ng trabaho dahil hindi nakabili ng electric vehicle pagdating ng panahon,” ayon sa Pangulo sa isang chance interview sa Quezon City.

“For now, the government is making sure that PUVs are safe for commuters,” ang dagdag na wika ng Pangulo.

Pinasalamatan naman ng Pangulo ang transport groups dahil winakasan na nito ang tigil-pasada matapos ang miting sa Palasyo ng Malakanyang.

Sinabi ng Pangulo sa transport groups  sa nabanggit na miting  na muling pag-aaralan ng gobyerno ang modernization program upang masiguro na hindi mahihirapan ang mga drivers at operators.

Ang desisyon na tapusin na ang tigil-pasada ay nangyari matapos na makipagpulong sina PISTON president Mody Floranda at MANIBELA leader Mrr Valbuena kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, dating chairperson ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Kris Jose