PBBM sa Tsina: UNCLOS, int’l law sa South China Sea, sundin

PBBM sa Tsina: UNCLOS, int’l law sa South China Sea, sundin

November 14, 2022 @ 7:56 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng China na itaguyod  ang  international law at sundin ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kaugnay sa  lugar ng South China Sea (SCS).

Sa isang panayam, winika ng Pangulo na sinabihan niya ang mga  Chinese officials ukol sa kahalagahan ng  international law,  epekto sa kalakal na dumadaan sa nasabing lugar.

“Well, sinabi ko nga na kailangan ay sundan natin ang batas, kailangan sundan natin ang international law, sundan natin ang UNCLOS para naman… dahil napakahalaga ng trade na dumadaan diyan sa South China Sea, hindi lamang para sa Asia kundi para sa buong mundo,” ayon sa Pangulo sa sidelines ng ASEAN Summit sa Cambodia.

Ayon sa  Office of the Press Secretary (OPS) sinagot  lang ni Pangulong Marcos  ang tanong sa kanya hinggil sa naging pag-uusap nila ng China ukol sa usapin ng pinag-aagawang  SCS, isang araw matapos siyang makipagpulong kay  Chinese Premier Li Keqiang nang magkaroon sila ng maiksing  pag-uusap  kaugnay sa pagtutulungan  ng dalawang bansa.

Magugunitang, bago ang naging biyahe ng Pangulo sa Cambodia, ipinahayag ng Pangulo noong nakaraang linggo na umaasa siya na mapag-uusapan ang mga  usapin hinggil sa  West Philippine Sea kasama si  Chinese President Xi Jinping, sabay sabing imposible aniya na kausapin niya ang China na hindi mababanggit ang anuman ukol sa SCS.

Taong 2013, nagsampa ng reklamo sa international tribunal ang Pilipinas laban sa China kaugnay ng pagsakop nito sa bahagi ng WPS.

Nagtagumpay ang Pilipinas sa nasabing kaso matapos magdesisyon ang United Nations (UN) Permanent Court of Arbitration na mayroong exclusive sovereign rights ang bansa sa pinag-aagawang karagatan at sinabing “invalid” ang ipinagmamalaking “nine-dash line” ng China.

Gayunman, hindi tinatanggap ng China ang ruling ng korte at nananatili pa rin ang mga Chinese vessel sa lugar at hinarang pa ang resupply mission ng bansa sa Ayungin Shoal noong Hunyo.

Pinagbabawal din ng China ang mga mangingisdang Pinoy na magtungo sa WPS.

Samantala, nanawagan naman si Pangulong Marcos sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na makialam na sa  nagpapatuloy na girian sa pagitan ng Russia at Ukraine, patuloy kasi ang epekto nito sa  global supply chains.

“Sabi ko na kailangan talaga ay matigil ang giyera at mag-usap na sila sa lalong madaling panahon at dapat ang ASEAN ay gawin ang lahat ng kayang gawin para tulungan ‘yung prosesong ‘yan,” ang pahayag ng Chief Executive. Kris Jose