PBBM sumigla sa kabi-kabilang meeting sa APEC leaders

PBBM sumigla sa kabi-kabilang meeting sa APEC leaders

November 20, 2022 @ 10:51 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Masigla at masayang ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos jr. ang tagumpay at makabuluhang pagpupulong na isinagawa kasama ng kanyang mga counterparts sa katatapos lamang na 29th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.

“I have met already the majority of the leaders around the region. We have also had substantive discussions,” sinabi ni Marcos kasunod ng kanyang pakikipagkita sa Filipino community sa nasabing bansa.

Ani Marcos, nagkasundo ang mga APEC leaders na kailangang tugunan ang mga problema lalo na sa ekonomiya sa rehiyon.

Dagdag pa, napag-usapan din umano ang climate change, food security at clean energy na matatandaang prayoridad din niya sa kanyang panunungkulan.

“It’s very encouraging to see that our partners, member countries in terms of ASEAN, and the member economies in terms of APEC, the countries seem to have a great deal of commonality in terms of identifying what are the problems that we face and should be prioritized,” aniya.

Kasabay ng kanyang pagharap sa mga Pinoy sa Thailand, ibinahagi rin ng Pangulo na matagumpay ang kanyang pagdalo sa APEC dahil sa kabi-kabilang bilateral meetings na naisagawa nito.

Matatandaan na kabilang sa mga nakaharap ni Marcos ay sina Chinese President Xi Jinping, Saudi Crown Prince at Prime Minister Mohammed bin Salman, New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, French President Emmanuel Macron at Australian Prime Minister Anthony Albanese.

“Marami rin kaming naging agreement. Sana eh, ma-follow up natin ito pag-uwi at sana, bago sa lalong madaling panahon, bago naman matapos ang susunod na taon ay may makita na tayong resulta doon sa ating mga ginawa,” pagtatapos niya.

Nitong Sabado ng gabi, Nobyembre 19 ay nakabalik na si Marcos sa bansa. RNT/JGC