PBBM: Text scam sa Pinas, bumaba na sa implementasyon ng SIM law

PBBM: Text scam sa Pinas, bumaba na sa implementasyon ng SIM law

March 16, 2023 @ 8:24 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Unti-unti nang nagiging mas ligtas ang digital space sa bansa.

Ito’y matapos na matanggap ng Pangulo ang report na nagpapakita na bumaba ang text scam complaints sa 93.3% matapos ipatupad ang  Republic Act (RA) 11934 o SIM (subscriber identity module) Card Registration Act.

Sa kanyang  official Facebook page at Twitter account, sinabi ng Pangulo na mas nagiging ligtas na ang  digital space sa Pilipinas laban sa “cyberthreats, vulnerabilities at iba pang online criminal activities.”

“93.3 percent ang ibinaba ng mga reklamong natatanggap ng National Telecommunications Office simula ng ating ipatupad ang SIM Card Registration Act,” ayon kay Pangulong Marcos.

“Unti-unti nang nagiging mas ligtas ang ating digital space kaya naman patuloy naming inaanyayahan ang lahat na magregister na para sa panatag na pagnenegosyo, pagtatrabaho at pamumuhay,” dagdag na wika nito.

Sinabi naman ni National Telecommunications Commission (NTC) legal branch officer-in-charge Atty. Andres Castelar Jr.,  na ang text scam complaints ay bumaba  ng 100 kada araw mula  1,500 na reklamo  bago pa naging epektibo ang SIM card registration.

Inaasahan ani Castelar na ang text scam complaints ay patuloy na bababa sa oras na nairehistro na ang lahat ng SIM cards sa  sistema.

“As of March 12,” sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na may kabuuang 44,298,445 subscribers o 26.22% ng  168,977,773 subscribers sa buong bansa ang nairehistro na ang kanilang SIM cards mula nang lagdaan ng Pangulo ang SIM Registration Act upang maging ganap na batas  ito.

Tinitingnan naman ng DICT na palawigin ng panibagong120 days ang deadline para sa  SIM registration  na nakatakda ngayong Abril 26 upang bigyan ng oras ang mas maraming subscribers  para irehistro ang kanilang SIM card. Kris Jose