PBBM tikom ang bibig sa 3 personalidad na pinagpipilian bilang bagong Press Sec.

PBBM tikom ang bibig sa 3 personalidad na pinagpipilian bilang bagong Press Sec.

October 6, 2022 @ 4:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tikom ang bibig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kung sino-sino ang tatlong personalidad na nasa shortlist na kanyang pagpipilian bilang susunod na Press Secretary kapalit ng nagbitiw sa puwestong si Atty. Trixie Cruz-Angeles.

Ang katuwiran ng Pangulo,  magiging unfair sa hindi mapipili kung sasabihin niya ang pangalan ng tatlong personalidad na pinagpipilian niya bilang kapalit  ni Cruz-Angeles.

“It wouldn’t be fair to them kasi yung hindi mapili they will be ano… So let’s just say, what’s today? Today is Thursday? Early next week we will announce,” ayon sa Pangulo.

Ang importante aniya ay malapit na niyang ianunsyo kung sino ang susunod na magiging Press Secretary.

“We’re down to a shortlist of 3. So we’re whittling it down. Malapit na yan,” ayon sa Pangulo sa isang panayam.

Samantala, sa tanong naman kung ano ang mga kuwalipikasyon na hinahanap niya sa susunod na Press Secretary, ang sagot ng Pangulo ay, “Yung kaibigan ninyo. No, we obviously need somebody who is very experienced in the… probably a journalist or is a media practitioner, yun naman ang kailangan, ang marunong mag messaging para yung mga gusto naming palabasin talagang lumalabas. That’s what’s important that we get the information, the messaging across.”

Una nang lumutang ang pangalan ni Atty. Michael “Mike” Toledo ng Metro Pacific Investment Corp. na posibleng pumalit sa pwesto ni Angeles.

Pero ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, noon pa man ay lumalabas na ang pangalan ni Toledo.

Matunog din ang pangalan ng politiko at dating journalist  na ngayon ay PAGCOR board director Gilbert Remulla at Transportation Undersecretary Cesar Chavez.

Samantala,  naging maingay din ang pangalan ng movie director Paul Soriano na diumano’y napipisil ng Pangulo na magiging susunod na Press Secretary na hayagan at kaagad namang tinanggihan nito.

Matatandaang na-bypass ng Commission on Appointments si Angeles.

Hindi na rin kasama si Angeles sa mga ni-reappoint ni Pangulong Marcos. Kris Jose