PBBM tiniyak kay Xi: PH walang “Cold War mindset’

PBBM tiniyak kay Xi: PH walang “Cold War mindset’

November 19, 2022 @ 10:49 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Binasura ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. ang inilarawan nitong  “Cold War mindset” sa pagtugon sa tensyon sa pinagtatalunang South China Sea.

Isang sentimyento na ibinahagi ng Pangulo kay  Chinese President Xi Jinping na nagsabi na ang Asia-Pacific region ay hindi dapat maging arena sa tagisan ng malalakas na bansa.

Tiniyak ni Pangulong Marcos kay Xi na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang pagsusulong ng independent foreign policy, sa kabila ng muling pagbuhay sa ugnayan sa Estados Unidos, pangunahing katunggali ng China sa rehiyon.

Sa isang press statement, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na napagkasunduan nina Pangulong Marcos at Xi na ang mga isyu sa karagatan ay hindi naglalarawan ng kabuuan ng relasyon ng dalawang bansa.

“Our foreign policy refuses to fall into the trap of a Cold War mindset. Ours is an independent foreign policy guided by our national interest and commitment to peace,” ang sinabi ng DFA ayon narin sa ipinahayag ni Pangulong Marcos sa pakikipagpulong nito  kay Xi.

Ang Cold War ay ang tawag sa naging tungalian ng United States of America(USA) at nang United Soviet Socialist Republic (USSR o Soviet Union) na tumagal ng ilang dekada dahil sa pagtatalo ng dalawang bansa kaugnay sa kanilang mga ideolohiya at ang nakaambang panganib ng malawakang digmaang nukleyar.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag na imposible para sa kanyang hindi mabanggit sa China ang usapin sa West Philippine Sea.

Bilang tugon, sinabi naman ng China na nangako ang PIlipinas sa bilateral meeting na patuloy itong susuporta sa One-China policy, palakasin ang prinsipy ng kapayapaan at independent foreign policy at hindi kakampi sa iisang panig lamang.

Nagpahayag din ayon sa China ang Pilipinas ng kahandaan nitong sumali sa aktibong konsultasyon sa Beijing at makahanap ng paraan para isulong ang joint exploration ng  maritime oil at gas resources.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos si  Xi para sa donasyon ng China na  20,000 tonelada ng urea fertilizer at milyong doses ng COVID-19 vaccine.

Samantala, kasama naman ni Pangulong Marcos  sa bilateral meeting sina  dating Pangulong  Gloria Macapagal-Arroyo, Speaker Martin Romualdez, Foreign Secretary Enrique Manalo, Trade Secretary Alfredo Pascual, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo Jr. at Press Undersecretary Cheloy Garafil.

Sa kabilang dako, nakipagpulong din si Pangulong Marcos at nagkaroon ng  bilateral discussions kay  Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman at French President Emmanuel Macron.

“During the President’s meeting with the crown prince, the Saudi government agreed to shoulder the unpaid salaries of about 10,000 overseas Filipino workers amounting to about P30.5 billion from Saudi construction companies that declared bankruptcy in 2015 and 2016,” ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople. Kris Jose