PBBM todo-depensa sa pagtatalaga kay Centino bilang AFP chief

PBBM todo-depensa sa pagtatalaga kay Centino bilang AFP chief

January 16, 2023 @ 1:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Todo-depensa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatalaga kay General Andres Centino bilang hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ang katuwiran ng Pangulo, kailangan na “i-rationalize” ang seniority sa military.

“We are rationalizing seniority. Andy Centino has four stars and Bob Bacarro had three stars,” ayon sa Pangulo na kasalukuyang nasa Switzerland para dumalo sa World Economic Forum (WEF) sa Davos.

“So we need to adjust that so as not to cause confusion below,” dagdag na wika nito.

Sa ulat, muling itinalaga ni Pangulong Marcos bilang chief of staff ng AFP si Centino.

Ayon sa Presidential Communications Office, papalitan ni Centino ang unang naitalagang si Lieutenant General Bartolome Bacarro.

Naging AFP chief of staff na si Centino mula Nobyembre 12, 2021 hanggang Agosto 8, 2022.

Galing sa Philippine Military Academy “Maringal” Class of 1988 si Centino kung saan naitalaga na rin ito bilang Commander ng 4th Infantry Division, Deputy Chief of Staff for Operations (J3) at Commander ng 401st Infantry Brigade.

Sa muling pagkakatalaga kay Centino bilang AFP chief, kasabay naman nito ang pagbibitiw sa puwesto ni Defense officer-in-charge Jose Faustino Jr. Kung saan pinalitan siya sa puwesto ni presidential peace adviser Carlito Galvez Jr.

Winika ng Pangulo na itinalaga niya si Galvez sa Department of Defense dahil siya (Galvez) ay subok na sa ganitong larangan.

“In fact, as soon as he took his oath, he was already… he knew already what to do. Nag-command conference na siya. So I think he’ll slide into that position really easily,” ang tinuran ni Pangulong Marcos kay Galvez.

Samantala, nang tanungin naman ukol sa pagbibitiw sa puwesto ni Prof. Clarita Carlos bilang National Security Adviser, sinabi ng Punong Ehekutibo na tila napansin ni Carlos na ang kanyang posisyon ay may pagka-politikal.

“Si Secretary Carlos, I think she found that the position to be a little bit political. Because hindi talaga siya sanay sa ganun at she’s a retired academic,” ayon sa Pangulo.

Si Carlos ay pinalitan ni dating DILG Secretary Eduardo Año.

Ayon sa Pangulo, pinili niya si Año dahil sa pagkakaroon nito ng matagal nang karanasan sa intelligence gathering.

“He (Año) is well known and he knows all of the operatives in the intelligence community,” ayon sa Chief Executive. Kris Jose