PBBM umaasa pa rin sa P20/kilo na bigas

PBBM umaasa pa rin sa P20/kilo na bigas

March 16, 2023 @ 1:26 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng unang Kadiwa ng Pangulo sa Bicol Region.

Layon ng kanyang pamahalaan na  maitawid ang P20 kada kilong bigas  upang maging mas abot-kaya sa mga Filipino.

Sa naging talumpati ng Pangulo sa paglulunsad ng Kadiwa sa Pili, Camarines Sur, sinabi nito na ang programa, nagsimula bilang Kadiwa ng Pasko noong nakaraang taon ay naging matagumpay sa paghahain ng abot-kayang halaga ng mga pangunahing bilihin sa mga tao.

“Makikita ninyo, halimbawa ‘yung bigas, ‘yung aking pangarap na sinabi na noong bago akong upo na sana mapababa natin ang presyo ng bigas ng Php20. Hindi pa tayo umaabot doon, dahan-dahan palapit. Nasa Php25 na tayo. Kaunti na lang, maibababa natin ‘yan,” ayon sa Pangulo.

“Tapos ‘yung ginawa natin, halimbawa doon sa sibuyas, ganoon din para… Biglang nagtaasan lahat eh kulang sa produksyon. Ginawa namin ay dinagdagan namin para bumaba rin ang presyo,” dagdag na wika ng Pangulo.

Sa kabilang dako, tinukoy naman ng Punong Ehekutibo ang kahalintulad na inisyatiba na ginamit ng pamahalaan nang sumirit ang presyo ng asukal sa mahigit na P100  kada kilo, ang presyo ng asukal ngayon ay P85 kada kilo.

Samantala, mahigit sa 500 Kadiwa ng Pangulo outlets na ang nailunsad ng pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Maliban sa layuning bigyan ng murang presyo ng mga basic goods ang mga mamimili, layon din ng programa na tulungan ang mga lokal na magsasaka at producers na masiguro ang direct access sa merkado.

“Lahat po ‘yan ay binibigyan din natin ng pagkakataon ‘yung mga maliliit na negosyo sa bawat lugar kung saan ‘yung Kadiwa para mayroon silang lugar para ipagbili ang kanilang mga produkto,” ayon sa Chief Executive.

“The current government thrust is to assist micro, small and medium enterprises (MSMEs) recover from the impact of the COVID-19,” ayon pa rin sa Pangulo sabay sabing ang  MSMEs ay binubuo ng 99.5% ng maliliit na negosyo sa bansa.

Samantala, pinasalamatan naman ng Pangulo ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan  na sumuporta sa inisyatiba ng gobyerno gaya ng Department of Agriculture (DA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa  Kadiwa outlets, nagbebenta rin ang  National Food Authority (NFA) ng bigas sa mababang presyo habang ang  Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) naman ay nag-aalok ng “affordable” seafood products sa mga mamimili. Kris Jose