PBBM umaasa sa mabilis na oil spill recovery sa Mindoro

PBBM umaasa sa mabilis na oil spill recovery sa Mindoro

March 8, 2023 @ 2:44 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi tatagal ng apat na buwan ang clean-up initiative sa oil spill sa Oriental Mindoro.

Nangako ang Pangulo na bibilisan ng pamahalaan ang clean-up drive sabay sabing ang dami ng oil spill sa katubigan ng Mindoro ay mas mababa kumpara sa 2006 oil spill sa Guimaras kung saan ang paglilinis ay umabot ng apat na buwan.

“Hopefully, kung hindi kaya ng one month (ang cleanup) hopefully less (than four months), kasi ang Guimaras na oil spill apat na buwan bago na clean up,” ayon sa Pangulo sa isang chance interview sa Quezon City.

“Siguro naman this time, kasi mas bawas ng konti ang oil spill ay mas mabibilisan natin, kahit na hindi isang buwan, hindi naman siguro natin paabutin ng apat na buwan,” dagdag na pahayag nito.

Inatasan naman ni Pangulong Marcos ang Department of Labor and Emplyement (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tulungan ang mga apektadong mangingisda ng “cash-for-work” program para maka-agapay ang mga ito sa epekto ng oil spill.

“‘Yung mga mangingisda hindi makapangisda ngayon, bawal mangisda kaya’t wala silang hanapbuhay, pinalitan natin ng cash-for-work program dahil sila ngayon ang maglilinis at binabantayan namin ng husto lahat,” ayon sa Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo na masusing mino-monitor ng gobyerno ang sitwasyon partikular na ang fishing sanctuaries at tourist areas kung ang oil spill ay umabot dito.

Samantala, nag-alok naman ng tulong at kagamitan ang mga pribadong korporasyon at Japan government para sa cleanup drive. Kris Jose