PBBM, wala sa Japan – Malakanyang

PBBM, wala sa Japan – Malakanyang

October 30, 2022 @ 2:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Wala sa Japan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Mariing itinanggi ni OPS Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil ang isyung nasa Japan si Pangulong Marcos habang nananalasa si Tropical Storm Paeng (international name: Nalgae) sa iba’t ibang bahagi ng  Pilipinas.

“Wala po sya sa Japan,” diing pahayag ni Velicaria-Garafil.

Sa katunayan, araw ng Sabado ay pinangunahan ni Pangulong  Marcos ang full council meeting ng NDRRMC, ngayong Sabado, Oktubre 29, upang alamin ang lawak ng pananalasa ng bagyong ‘Paeng’ at ginagawang tugon ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Sa naging emergency meeting, tinanong ng Pangulo kung bakit hindi agad nailikas ang mga kababayan sa Mindanao at umabot sa 67 ang casualties. “Before we start, I made a suggestion that we should start really, I would like to start with the flooding in Maguindanao simply because we have to already look at it dahil andaming casualty. 67 kaagad. It will be important to us to look back and see why this happened na hindi natin naagapan ito na 67 ang casualty, that seems very high for a flooding incident,” pahayag ng Pangulo.

Nilinaw naman ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, 40 ang naging casualty sa paghagupit ng Bagyong at hindi 67 base sa mga naunang ulat. Sa isinagawang pagpupulong, iniutos ng Pangulo ang agarang pagpapadala ng tubig maiinom sa BARMM.

Susundan ito ng water purifying systems, batay na rin sa hiling ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.

Iniutos din ng Pangulo ang agarang pagpapabalik ng kuryente sa mga apektadong lugar kapag ligtas nang ibalik ang kuryente. Pinapapaspasan naman ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang clearing operations sa mga kalsadang hindi pa madaanan upang makapasok ang relief at rescue missions sa mga nasalanta ng bagyo.

Agad naming inatasan ng Pangulong Marcos Jr. ang DILG na tulungan ang BARMM na makuha ang kanilang calamity fund, upang mabilis na matugunan ang pinsalang iiwan ng bagyong ‘Paeng’. Sa naging meeting, hiniling ng NDRRMC na isailalim sa National State of Calamity ang bansa dahil na rin sa nararanasang pinsala dulot ng bagyog ‘Paeng’.

Sagot naman ng Pangulo, hihintayin niya ang isusumiteng draft resolution ng ahensya bago ito magbigay ng rekomendasyon. Kris Jose