PBBM walang secret order sa Kongreso sa pagsusulong ng Cha-cha – Bato

PBBM walang secret order sa Kongreso sa pagsusulong ng Cha-cha – Bato

February 24, 2023 @ 1:26 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si Senador Ronald “Bato” dela Rosa na walang secret order si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso kaugnay sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.

“Tingnan natin ‘yung personalidad ng ating Pangulo. Hindi naman duplicitous ‘yung kanyang personalidad. ‘Pag sinabi niyang hindi niya priority, maniwala tayo na hindi niya priority,” ani Dela Rosa sa panayam ng DZBB nitong Biyernes, Pebrero 24.

Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod nang tanong patungkol sa sinabi ni Albay Representative Edcel Lagman na nagsasabing ang Presidente “must have given his covert assert to Cha-cha even as he appears to be distancing himself from it.”

“There must be an overwhelming furtive reason why the Cha-cha caravan is rolling fast in the House of Representatives despite President Marcos’ avowal that Charter change is not in his priority agenda,” sinabi pa ni Lagman.

“It is not that members of the supermajority coalition have finally learned to be independent of the Executive. Perhaps, it is because the President must have given his covert assent to Cha-cha even as he appears to be distancing himself from it,” dagdag nito.

Nauna na ring sinabi ni Marcos na hindi prayoridad ng kanyang administrasyon ang Charter change.

Sa kabila ng pahayag ng Pangulo, inaprubahan naman ng House constitutional amendments panel nitong Lunes, Pebrero 20 ang isang
unnumbered Resolution of Both Houses na nananawagan sa pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng constitutional convention (con-con).

Sa Mataas na Kapulungan, isinusulong pa rin ni Senador Robin Padilla ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon.

Sinabi rin nito na hindi nakadepende sa pag-endorso ng Pangulo ang hakbang na ito.

Sa kabila nito, sinabi ni Dela Rosa na ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay isang “wishful thinking” lalo na sa pagiging malamya ng Malacañang sa usapin ng Cha-cha.

“Last Congress nga ay isa ‘yan sa kagustuhan ng [dating] Pangulong [Rodrigo] Duterte na ma-amend ang Constitution, nagpakita siya ng support but then again nothing happened,” ani Dela Rosa.

“How much more ngayon na ang Malacañang ay lukewarm towards Cha-cha. Mahirap maka-gain ng traction,” dagdag pa ng Senador.

Nitong Huwebes, Pebrero 23 ay sinabi ni Dela Rosa na hindi pa siya nakakapagdesisyon kung susuportahan niya ang hakbang na naglalayong amyendahan ang Konstitusyon sa Kongreso dahil na rin sa kakulangan ng suporta mula sa kapwa mga senador.

Si Dela Rosa ay miyembro ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes. RNT/JGC