PBBM, Xi Jinping magdaraos ng bilateral meeting sa Thailand

PBBM, Xi Jinping magdaraos ng bilateral meeting sa Thailand

November 17, 2022 @ 10:28 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang magdaos ng bilateral meeting si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Chinese President Xi Jinping.

Ang nasabing bilateral meeting ay nakatakdang gawin mamayang tanghali, araw ng Huwebes, Nobyembre 17 sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit ngayong taon kung saan nagsama-sama ang mga economic leaders mula sa iba’t ibang rehiyon para pag-usapan ang “revitalizing recovery, reviving growth, and integrating inclusivity.”

Nauna rito, dumating sa Bangkok si Pangulong Marcos kasama si Unang Ginang Mary Louise “Liza” Araneta-Marcos, kung saan nakatakda siyang magkaroon ng anim na bilateral meetings.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Marcos na umaasa siya na matatalakay kay Xi ang usapin ukol sa West Philippine Sea sa ASEAN Summit sa Cambodia, kung saan, sa halip ay nakapulong niya si Chinese Premier Li Keqiang.

Sinabi niya sa mga Chinese officials na sang-ayunan ang international law at sundin ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ruling hinggil sa pinagtatalunang lugar.

Taong 2013, nagsampa ng reklamo sa international tribunal ang Pilipinas laban sa China kaugnay ng pagsakop nito sa bahagi ng WPS.

Nagtagumpay ang Pilipinas sa nasabing kaso matapos magdesisyon ang United Nations (UN) Permanent Court of Arbitration na mayroong exclusive sovereign rights ang bansa sa pinag-aagawang karagatan at sinabing “invalid” ang ipinagmamalaking “nine-dash line” ng China.

Gayunman, hindi tinatanggap ng China ang ruling ng korte at nananatili pa rin ang mga Chinese vessel sa lugar at hinarang pa ang resupply mission ng bansa sa Ayungin Shoal noong Hunyo.

Pinagbabawal din ng China ang mga mangingisdang Pinoy na magtungo sa WPS. Kris Jose