PBBM: YouTube Gold Play Button, ‘best Christmas present’

PBBM: YouTube Gold Play Button, ‘best Christmas present’

December 24, 2022 @ 10:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – “What a best Christmas present.”

Ganito kung ilarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang kasiyahan makaraang makatanggap ng kanyang YouTube Gold Play Button.

Sa kanyang Facebook post, araw ng Biyernes, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang kanyang mga followers sa pagtulong sa kanya na maabot ang “wider audience” sa kanyang iba’t ibang social media accounts, kabilang na ang YouTube.

Ito’y matapos na ibahagi ni Pangulong Marcos ang kanyang Gold Play Button na ibinibigay sa content creators na nakakuha ng mahigit sa 1 million subscribers.

Sa kasalukuyan, si Pangulong Marcos ay mayroong 2.7 million subscribers sa kanyang official YouTube account.

“Matagal din nating hinintay ‘to,” ayon sa Pangulo sa kanyang video na in-upload sa kanyang official Facebook at Twitter accounts.

“Tignan naman ninyo ang napakagandang Christmas gift na natanggap ko. Kaya’t magpapasalamat ako sa lahat nang nagsusubaybay sa atin,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Pangulong Marcos ang mga netizens na panatilihin ang pagbisita sa kanyang social media accounts upang “to keep them posted about his activities, programs, and accomplishments.”

Umaasa rin siya na ipagpapatuloy ng mga ito ang pagsuporta sa kanya at sa kanyang administrasyon.

“At ipagpatuloy natin ang pag-post, pag-comment at pag-subscribe dito sa ating social media. Maraming, maraming salamat sa suportang binigay ninyo. Huwag po sanang magsawa ang suportang binibigay ninyo sa akin,” ayon kay Pangulong Marcos.

Bilang ganti, nangako naman si Pangulong Marcos na ipagpapatuloy niya ang kanyang pagba-vlog upang hindi maging limitado ang pagpapakalat ng government information sa mainstream media.

Maaari namang bisitahin ng mga netizens ang official account sa Facebook, Youtube, Twitter, Instagram, at TikTok ni Pangulong Marcos.

Samantala, may ilang government offices, kabilang na ang Office of the President (OP), Office of the Press Secretary (OPS), at Radio Television Malacañang (RTVM), ang nagbabahagi rin sa kanilang official social media accounts ng mga aktibidad at plano ng administrasyong Marcos para sa bansa. Kris Jose