PCC nagkasa ng imbestigasyon sa mataas na presyo ng sibuyas

PCC nagkasa ng imbestigasyon sa mataas na presyo ng sibuyas

February 16, 2023 @ 6:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Competition Commission (PCC) nitong Huwebes na naglunsad ito ng imbestigasyon sa pagtaas ng presyo ng sibuyas noong Disyembre sa posibleng “anti-competitive practices”.

Inihayag ng PCC na mula November 2022, iniimbestigahan na nito ang mataas na presyo ng sibuyas sa posibleng kartel o pag-abuso sa dominance conduct.

Sinabi ng antitrust watchdog na nakahanay ang imbestigasyon nito sa ikinasang imbestigasyon ni House Speaker Martin Romualdez at House Resolution No. 681 na inihain ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo.

Inilunsad ng PCC ang market assessment nito dahil sa naobserbahang pagsirit ng presyo ng onion retail prices na umabot sa P600 kada kilo noong December 2022.

“As prices are seen to stabilize due to the imports and the SRP (suggested retail price) set last February 6, the PCC is looking into the cause of such market anomaly in coordination with the sector regulators and other law enforcement agencies,” ayon sa antitrust body.

Sa ilalim ng Philippine Competition Act (PCA), ang mga negosyo na mapapag-alamang nananamantala sa sitwasyon ay pagmumultahin ng P100 milyon, at maaaring makulong hanggang pitong taon, anito.

Ayon pa sa PCC, maaaring triplehin ang multa kapag ang trade ng basic necessities, kabilang ang agricultural products na tinukoy sa Price Act, ay sangkot sa kartel o pag-abuso sa dominance violations. RNT/SA