PCG AT PCG-OWA    LUMAHOK SA “BRIGADA ESKWELA 2022”

PCG AT PCG-OWA    LUMAHOK SA “BRIGADA ESKWELA 2022”

August 23, 2022 @ 11:13 AM 1 month ago


NAKIISA ang Philippine Coast Guard (PCG) na pinamumunuan ni commandant at admiral Artemio Abu kasama ang mga affiliated volunteer groups sa ilalim ng ahensiya sa “Brigada Eskwela 2022” na ginanap sa Padre Zamora Elementary School sa Pasay city nitong August 17, 2022 alinsunod sa tema ngayong taon na “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral”.

 Kabilang sa naglaan ng kanilang pagtulong at mahalagang oras ang PCG Auxiliary, PCG Officers Wives Association (OWA) na pinangungunahan ni Mrs. Carlota Abu, at ang Manila Chinese Action Team (MCAT).

 Tinanggap ni Dr. Romy Socao, school principal, Ms. Jennifer Blasco, school Brigada Eskwela coordinator, at iba pang mga guro ang handog na mga materyales para sa pagkukmpuni ng mga nasira sa paaralan kabilang ang plywood, pintura, paint brush, roller brush, spray gun, at plastic faucets. Kabilang din ang organic soil at vegetable seeds para sa mini-farm ng paaralan.

 Nagbigay din ng kagamitan sa paglilinis katulad ng walis tambo, walis tingting, dust pan, at mop. Gayundin ng bigas para sa mga piling estudyante.

 Namahagi din ng school bag na mayroong supplies kabilang ang pad paper, notebook, pencils, crayons, whiteboard pentel pen, ballpen at plastic eyeglasses. Mayroon ding mga candies at mamon na sadyang paborito ng mga bata.

 Para karagdagang tulong kaugnay sa proteksyon ng mga mag-aaral kontra coronavirus disease 2019 ay nagbigay din ng hygiene kit na mayroong box of face mask, face shield, sabon, toothbrush, toothpaste, shampoo, at alcohol.

 Ibinahagi nina PCG auxiliary (PCGA) executive squadron, rear admiral Dr. Robert Sy, Rear Admiral Hilda Ong, Auxiliary Commodore Edwin Fan ang kahalagahan ng bayanihan lalo na sa panahon ng krisis sa bansa. Bagamat aniya ay marami ang nagsisimula pa lamang bumangon mula sa epekto ng pandemya sa kabuhayan ay nakakatuwang makita ang patuloy na pagbuhos ng tulong malaki man o maliit para lamang maseguro na maganda ang magiging pagsisimula ng pag-aaral ng mga estudyante. Katangi-tanging kaugalian aniya ito ng mga Pilipino na dapat manatiling buhay hanggang sa mga susunod na henerasyon.

 Ang Brigada Eskwela ay ang taunang programa ng Department of Education kung saan ay nagsasama-sama ang mga guro, magulang, estudyante, at iba pang boluntaryong grupo para sa pagkukumpuni at paglilinis ng mga paaralan ilang Linggo bago ang pasukan. Sa modernong bayanihan na ito ay umaabot sa P2 billion ang natitipid ng kagawaran sa maintenance budget at nailalaan sa ibang pangangailangan sa edukasyon.

 Maliban naman sa mandato ng pagbabantay sa seguridad ng mga pantalan at pagpapatupad ng mga batas na may kinalaman sa katubigan ng bansa, naging tradisyon na ng PCG kasama ng PCGA ang pakikibahagi sa Brigada Eskwela.