PCG: Cargo vessel sumadsad, mga tripulante ligtas

PCG: Cargo vessel sumadsad, mga tripulante ligtas

January 17, 2023 @ 4:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sumadsad ang isang cargo vessel sa karagatan sakop ng Tanking Pier sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Station Western Sulu.

Ayon sa kapitan ng MV Melyn Express na si Muntasir Karanain, umalis sila mula Malaysia patungong Sulu kasama ang 10 crew.

Habang papalapit sa Tanjung Pier para sa docking maneuver ay sumadsad ang barko at aksidenteng nag-navigate sa mababaw na bahagi ng katubigan na may 30 metrong kayo sa nasabing pantalan.

Nasira ng insidente ang kilya ng sasakyang-dagat at nagsimulang pasukin ng tubig-dagat hanggang sa umabot ito sa pangunahing makina, dahilan upang lumubog ang kalahating bahagi ng barko .

Nagtungo naman ang PCG sa lugar upang tulungan ang mga crew na nasa maayos namang kondisyon.

Dagdag pa ng PCG, lahat ng crew ay inilikas para sa karagdagang kinakailangang tulong.

Ang oil spill assessment na isinagawa ng marine environmental protection unit ng PCG ay nagbunga din ng negatibong resulta.

Sa ngayon, 17 Enero 2023, ang PCG team ay patuloy na sinisigurado ang distressed vessel habang naghihintay na mahila mula sa tubig. Jocelyn Tabangcura-Domenden