PCG ‘di gagamit ng laser technology

PCG ‘di gagamit ng laser technology

February 23, 2023 @ 3:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hindi gagamit ng military-grade laser ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kanilang mga sasakyang pandagat matapos ang nangyaring insidente sa Ayungin Shoal kamakailan.

Aminado si Commodore Jay Tarriela, spokesperson ng PCG para sa West Philippine Sea na sa kabila ito ng pangangailangan ng rebisyon sa kanilang pamamaraan sa pagtugon sa mga ganitong engkwentro.

“Hindi plano ng Coast Guard gumamit ng laser technology as part of our weaponry for Philippine Coast Guard vessels,” sabi ni Tarriela sa public briefing.

Paliwanag ni Tarriela, bibisitahin aniya ang mga patakaran para sa paggamit ng puwersa dahil hindi pa umano nakalagay kung paano tutugunan ng PCG ang ganitong banta sa mga PCG vessels.

Sinabi ni Tarriela na hindi kinokonsidera ng PCG ang paglalagay ng mga sandatang laser sa mga barko sa Coast Guard.

Ang pahayag niya ay bunsod ng patuloy na presensya ng mga Chinese vessels sa WPS.

Sinabi ng opisyal ng PCG na nasa 30 Chinese vessels ang nakadaong pa rin sa West Philippine Sea hanggang nitong Miyerkules, Pebrero 22 — 26 sa Escoda (Sabina) Shoal, habang apat ay nasa Ayungin Shoal.

Upang kontrahin ang kanilang presensya, pinaigting na ng PCG ang  kanilang pagpapatrolya sa mga lugar sa pamamagitan ng pagpapakalat ng offshore patrol vessel at 144 MRRV vessels. Jocelyn Tabangcura-Domenden