PCG: Higit 20 offshore vessels kailangan sa pagpatrulya sa WPS

PCG: Higit 20 offshore vessels kailangan sa pagpatrulya sa WPS

February 21, 2023 @ 12:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na kailangan ng pamahalaan na dagdagan ang kanilang fleet offshore patrol vessel upang matiyak ang proteksyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, mahigit 20 offshore patrol vessels ang kailangan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ginawa ni Tarriela ang pahayag kasunod ng laser incident na kinasangkutan ng PCG at China Coast Guard (CCG) sa Ayungin Shoal noong Feb.6

Anang opisyal, ang nasabing mga sasakyang pandagat na ito ay maaaring tumagal ng higit sa 10 araw sa dagat, na maaaring palawigin ang presensya ng Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan

Dagdag pa ni Tarriela, napakalawak ang WPS pero mayroon lamang tatlong offshore patrol vessels at hindi ito naidedeploy ng sabay-sabay dahil sa rotational deployment.

Ito aniya ang dahilan kaya hindi lahat nababantayan ang lawak ng WPS.

Bukod sa pagkuha ng mas maraming sasakyang pandagat, sinabi ni Tarriela na ginagawa na rin ng PCG na isama ang paggamit ng laser technology sa mga panuntunan nito sa paggamit ng puwersa, na kailangang aprubahan ng National Task Force-West Philippine Sea.

Dagdag pa,nakikipag-ugnayan din ito sa Estados Unidos at Japan upang tulungan ang PCG na makabuo ng pamamaraan upang maayos na tumugon kung mangyari muli ang naturang insidente.

Sinabi pa ni Tarriela na hinahangad din ng PCG ang pagtatatag ng mas maraming response base, partikular sa mga lugar tulad ng Palawan, Subic, Mindoro, at hilagang bahagi ng Pilipinas upang paigtingin ang mga kakayahan nito sa pagpapatrolya sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Sa loob ng maraming taon ,ang 2016 arbitral ruling sa The Hague na nagpawalang-bisa sa mga pag-aangkin nito at kinikilala ang mga karapatan sa soberanya ng Pilipinas sa mga lugar sa loob ng 200-nautical mile EEZ nito ay hindi kinikilala ng China. Jocelyn Tabangcura-Domenden